Malaking pagsasaayos ang kailangang gawin sa Senado. Unang una ay kung sino ba talaga ang lehitimong mga mamumuno ng Senado at ng mga komite nito. Sino ba ang awtoridad na magdedesisyon nito? Maaari ba itong ipagdiinan ng isang partido, laban sa pagmamatigas ng kabila? Baka Korte ang kailangan. Kung nagkaganito, baka lumampas pa ng Hulyo ang desisyon. Samantala, ano ang magiging katayuan ng Senado at sino ang pakikinggan?
Ikalawa ay kung ano ang magiging estado ng mga batas na naipasa sa panahon kung kailan dalawa ang grupo. Paano mo ngayon babalewalain ang mga naipasang batas. Sino ang magbabalewala nito, Senado rin ba o Korte na? Kikilalanin ba ito ng administration senators, bilang paraan ng pagsasaayos? Papansinin kaya ito sa Kongreso? Pipirmahan kaya ito ng Presidente?
Kung kikilalanin naman ni Drilon ang ginawa ng oposisyon, at siya pa rin ang Senate President, magiging taliwas naman ang pagpasa ng batas na ginawa nila, sa adjournment na kanyang idineklara. Mukhang mahirap magkaroon ng win-win solution sa mga pangyayaring naganap na.
Ang kasagutan sa mga ito ay sa susunod na kabanata ng drama sa Senado makikita. Abangan natin ang mga magaganap at tingnan natin kung anong mga batas, at internal rules of procedure ng Senado ang gagamitin upang maayos ang kaguluhan. Mukhang malaking magic ang kailangan.