Ang taong laging nagpapasalamat

SI Tata Poloniong ay mapagpasalamat na tao. Araw-araw ay isinasagawa niya ang pasasalamat na walang hanggan sa Diyos. Siya na yata ang pinakamapasalamat na taong nakilala ko sa nayon. Pinasasalamatan niya ang Diyos sa pinakamaliit na biyayang natatamasa.

Minsan ay nagkaroon ng epidemya ng pagtatae sa nayon. Nagsadya ako roon. Dinalaw ko si Tata Poloniong. Marami kaming pinag-usapan. Kasama na ang dapat gawin para maiwasan ang sakit na pagtatae ng mga bata.

Hindi ko malilimutan ang sinabi niya ‘‘Nagpapasalamat ako sa Diyos at dumalaw ka, Doktor. Iyan ang kabutihang dala ng epidemiya sa amin.’’

Nang magkaroon ng malakas na bagyo ay nasira ang tanim na palay at saging ni Tata Poloniong. Pagkaraan ng dalawang araw pagdaan ng bagyo ay nagkita kami. Akala ko ay sunud-sunod na reklamo at pighati ang sasabihin. Sa halip ang sabi sa akin, ‘‘Naku, Doktor, salamat sa Diyos at ang aming bahay ay nakatindig pa rin.’’

Nang magkasakit ang nag-iisang anak na lalaki, akala ko ay maghihimutok siya sa halip sinabi sa akin,’’ Purihin ang Diyos na ang ibang anak ko at kaming mag-asawa ay walang sakit.’’

Ang labis na paghanga ko sa kanyang ugaling pasasalamat na walang hanggan sa Diyos ay nadagdagan pa nang dalawin ko siya tatlong buwan bago namatay. Maselan ang kanyang sakit. Sinabi ko sa kanya ‘‘Gagaling ka, Tata Poloniong.’’

Sumagot siya: ‘‘Mukhang makikita ko na ang Lumikha sa atin. Dumating man ang kamatayan ay nagpapasalamat ako sa Diyos at binigyan niya ako ng 72 taong masagana at makabuluhang buhay.’’

Iyan si Tata Poloniong – ang taong may walang hanggang pasasalamat kahit sa huling hibla ng kanyang hininga at buhay.

Show comments