Subalit hindi pa man nakababawi sa kaunting kasiyahang dulot ng pagkasuspinde ng PPA, ang bayarin naman sa tubig ang panibagong iniaangal ng mga consumer. May agam-agam na magtataas na naman ng singil ang Maynilad Water Service Inc. (MWSI) at Manila Water. Ang dalawang kompanyang ito ay mga private concessionaires na namamahala sa distribution ng tubig sa Metro Manila at mga karatig-lugar.
Mula nang mailipat sa dalawang kompanyang ito ang pamamahala mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) noong 1998 kakatwang maraming reklamo hindi lamang sa pabigla-biglang pagtaas ng singil kundi sa mahinang serbisyo. Marami na ring sulat ang natanggap ng pahayagang ito mula sa mga nagrereklamong consumers na nagbabayad sila nang malaki sa tubig subalit wala namang lumalabas sa kanilang gripo kundi hangin lamang. May sumulat na hindi naman daw inaaksiyunan ng dalawang concessionaires ang reklamo nila tungkol sa mga sirang tubo sa kalye na malayang tumatagas ang tubig. Nagdudulot ito nang pagkasira ng kalsada. Habang marami ang uhaw sa tubig, mas marami ang tumatagas at nasasayang sa kalye. Hindi ito karaka-rakang inaaksiyunan ng Maynilad at Manila Water.
Marami rin ang nagtataka sa mga nakasaad sa water bill na hindi malaman ng consumers kung ano ang mga iyon. Ang mga ito ay ang CERA (Currency Adjustment Rate); FCDA (Foreign Currency Defferential Adjustment); Environmental Charge, Maintenance Service Charge at Value Added Tax (VAT).
Marami ang hindi nakaiintindi sa mga bayaring ito at walang magawa ang mamamayan kundi ang maghimutok na lamang. Labis ang kanilang pagtataka sa dami ng mga ipinapatong na hindi naman nila malaman kung ano iyon.
Kung ang PPA ng kuryente ay nagawang suspindehin ng pamahalaan, maaari rin ito sa tubig. Busisiing mabuti ang mga bayaring nakasaad kung ito nga bay makatwiran sa panahong ito na ang taumbayay sagad na sa hirap.