Editoryal - Masuwerteng bilanggo
May 5, 2002 | 12:00am
Habang sa maraming piitan sa Pilipinas ay nagsisiksikan ang mga bilanggo at marami sa kanila ang mga may sakit sa baga, puso at balat at nagsisiksikan sa kapiranggot na selda, kakatwa namang ang naarestong lider ng National Movement Against Poverty (PMAP) na si Ronald Lumbao ay walang tigil sa pagrereklamo sa kinalalagyang detention cell. Si Lumbao ay naaresto noong nakaraang linggo makaraan ang may isang taong pagtatago. Nahaharap siya sa kasong rebellion dahil sa pamumuno sa mga Estrada loyalists para lumusob sa Malacañang. Apat na tao ang namatay at may 60 ang nasugatan. Milyong piso ang nasayang dahil sa karahasan.
Isinugod si Lumbao sa ospital tatlong araw makaraang maaresto dahil sa hypertension. Isang linggo siya sa PNP General Hospital. Sinasabing na-high blood si Lumbao nang malamang isasama siya sa selda ng isang terorista sa Camp Crame.
Pinalabas na ng ospital si Lumbao at kasalukuyang nasa Intelligence Group (IG) na selda. Sinabi ng doktor na tumingin kay Lumbao na dapat na nasa isang air-conditioned detention cell ang PMAP leader upang hindi muling tumaas ang blood pressure nito. Nagrereklamo umano si Lumbao dahil sa sobrang init sa kinapipiitan.
Walang ipinagkaiba si Lumbao kina dating President Estrada at anak nitong si Jinggoy na wala ring tigil sa paghingi ng mga kahilingan habang nakapiit. Sa kabila na naiiba ang kalagayan nila sa mga karaniwang bilanggo, gusto pa nilang maging kakaiba sa karamihan. Si dating President Estrada at Jinggoy ay nakapiit sa Veterans Memorial Medical Center. Nahaharap sila sa kasong pandarambong. Kumpleto sa gamit at malamig ang kanilang kuwarto sa VMMC.
Si Lumbao ay kaalyado ni Estrada at tiyak na kung ano ang hilingin ng dating Presidente ay ganoon din ang kanyang mga hihilingin. Gusto nang maayos at malamig na kulungan, kumpleto sa gamit at kung anu-ano pa na maaari namang ipagkaloob ng gobyerno. Hindi dapat kalimutan na namuno si Lumbao sa paglusob sa Malacañang na naging dahilan ng pagdanak ng dugo at pagkasira ng mga ari-arian, dapat bang sundin lagi ang kapritso ng isang may kasalanan sa bayan. Habang sa maraming bilangguan ay nagsisiksikan, marami ang nagkakasakit at hindi nakikita ng pamahalaan ang tunay nilang kalagayan.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended



















