Editoryal - Huwag ipasa ang responsibilidad
May 4, 2002 | 12:00am
NORMAL na ang takbo sa Malacañang at nakahihinga na nang maluwag si President Gloria Macapagal-Arroyo. Wala na ang mahigpit na seguridad at nalusaw na ang pag-aalala na baka maulit ang nangyaring kaguluhan noong May 1, 2001 nang lumusob ang mga loyalista ni dating President Joseph Estrada na apat ang namatay at maraming nasugatan. Sa katuwaan ni GMA, nasabi niyang nalampasan na ng bansa ang pagsubok dahil naging matiwasay ang rally noong Labor Day. Walang dumanak na dugo. Sinabi niya sa kanyang Gabinete na magsimula na silang muli upang matamo ang minimithi sa bansa.
Tama ang sinabi ng Presidente na magsimula na sila at harapin ang mga dapat ayusin para sa kapakanan ng bansa at taumbayan. Hindi na maikakaila ang kahirapang namamayani at marami ang umaangal sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at maraming bayarin sa pang-araw-araw na buhay. Lumulubo ang dapat bayaran ng consumers sa tubig at lalo pa sa kuryente. Ang panibagong pagtataas ng singil sa kuryente ang nagpapakulta sa isip ng mamamayan. Ilang beses nang nagtaas ang singil sa kuryente at may nakaamba pa dahil sa kontrobersiyal na power purchase agreement (PPA).
Ang isang hindi maipaliwanag sa kontrobersiyal na PPA ay ang paglilipat ni GMA ng responsibilidad sa Kongreso hinggil dito. Mula sa kanyang mga kamay inililipat niya ang pagpapasya sa mga mambabatas. Kamakalawa ay hiniling ng Presidente na gumawa ng batas ang Kongreso upang ma-reduce ang PPA. Anong ideya na naman ito? Panibagong batas na naman na pagdedebatehan at pag-aaksayahan ng pera at panahon.
Ang pagpapasya sa kontrobersiyal na PPA ay hindi na dapat ipasa sa kung sinong Poncio Pilato. Na sa Presidente na ang kapangyarihan sapagkat dumaan na ito sa komite na nag-review. Na kay GMA na ang kapangyarihan kung isususpinde niya ang PPA upang mabawasan ang pasanin ng taumbayan. Ito ang tamang pagkakataon upang ipadama ni GMA na ginagawa niya ang lahat upang mapagaan ang buhay ng masa na matagal nang nasa kumunoy ng kahirapan.
Normal na ang takbo sa Malacañang at wala na ang tensiyon ni GMA. Dapat naman na ang tensiyon ng mahihirap sa nagbabantang pagtataas muli ng singil sa kuryente ay kanyang pawiin. Lunasan ang kadahupan upang tuluyan nang makalimutan ng mga mahihirap ang magmartsa at magmura sa kalsada.

BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended