Sa pag-aaral ng UN, sa taong 2050, tinatayang 21 porsiyento ng populasyon ng mundo o dalawang bilyon sa inaasahang bilang na 9.3 bilyon, ay puro matatanda. Sa mga umuunlad na bansa tulad ng Pilipinas, ang porsiyento ng matatanda ay mababa. Sa ngayon. Ngunit ang antas ng pagtaas ay higit na mabilis kumpara sa mga bansa sa kanluran.
Sa isang tumatandang daigdig, hitik ang karunungan at karanasan kung ihahambing sa umuunting likas na yaman at hilaw na lakas paggawa. Hindi maiiwasan na magkaroon ng pagbabago sa pananaw ng lipunan at magpatupad ng mga bagong patakaran at alituntunin na aakma sa pangangailangan ng isang nagbabagong panahon.
Ang mapanirang mga pahayag tulad ng "tatanda ka rin" ay magkakaroon ng bagong kahulugan sapagkat halos lahat ng lugar na iyong mapupuntahan ay may matanda. Hindi na sila maaaring balewalain. Magiging malawak ang kanilang papel at impluwensiya sa lipunan. Kumakaharap sa isang nagbabadyang panganib ang pamahalaan kung patuloy nitong babalewalain ang resulta ng pananaliksik. At tatanda rin sila.
Tumataas ng dalawang porsiyento bawat taon ang bilang ng mga taong may edad 60 pataas. Sa mga kanluraning bansa, masagana ang hinaharap ng mga bahay-panuluyan para sa mga may-edad. Sa Pilipinas, hindi tayo mangangambang baka kailangan pang manghiram ng mga lolo at lola ng iba upang makumpleto lamang ang bilang ng mga tao sa ating mga hapag-kainan tuwing sasapit ang pasko at iba pang espesyal na salo-salo.
Sa naturan ding pagpupulong, binigyang sipi ni UN Secretary General Kofi Anan ang isang linya sa kanta ng grupong Beatles na nagtatanong: "Will you still need me, will you still feed me, when Im 64?" Dagdag ni Anan na nagdiwang ng kanyang ika-64th birthday noong nakaraang Abril 8 "I trust the answer is yes," sa gitna ng masigabong palakpakan ng mga kalahok.
Ang pagmamahal at respeto sa mga nakatatanda ay isa sa mga katangi-tanging kaugalian nating mga Pilipino. Pagbutihin natin ang pakikitungo sa matatanda at ipagpatuloy ang ating kapuri-puring gawi alang-alang sa nakalipas at darating na henerasyon.