Halos isang taon at anim na buwan ng hinahanap ng pamilya ang bangkay ng mag-amang Julio at Julius matapos dukutin noong Oktubre 7, 2001 sa Barangay Calaanan, Nueva Ecija habang papunta sa kanilang lugar sa Aurora, Quezon.
Ayon sa impormasyon may mga nakuhang specimen tulad ng isang punit na printed t-shirt ang mga awtoridad na nakalagak umano sa Cabanatuan crime laboratory pero ng puntahan ito ng pamilyang Alejo para kilalanin ay nawawala ang nasabing ebidensiya. Nakapagtataka DOJ Secretary Hernando Perez, Your Honor!
Tiyak ng mga kuwago ng ORA MISMO, may pangkat na nagsabwatan kaya pinahihirapan ang mga naulila nina Julio at Julius na makita ang bangkay nila para nga naman iligaw ang imbestigasyon. Marami kasi ang sasabit sa kaso.
Makikipagkita ang pamilya ni Alejo kay Dante Jimenez, chairman ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) upang humingi dito ng tulong at payo ngayong linggong ito.
Marami umanong lumutang na anggulo kaya inupakan ang mag-ama, PNP bossing Leandro Mendoza, Sir!
May malaking pabuya pala ang pamilyang Alejo sa makakapagbigay ng impormasyon tungkol kina Julio at Julius, anang kuwagong Kotong Cop.
May awa ang Diyos tiyak kong may tutulong sa pamilya ni Alejo,
Nakakaawa si Nida Alejo. Nalilito siya kapag nagdarasal kasi hindi niya malaman kung ang dasal niya sa kanyang mag-ama ay para sa patay o sa buhay.
Dapat huwag siyang magsawa sa katatawag sa Diyos.
Makukuha din ang bangkay ng mag-amang Alejo.
Dapat lang para managot ang may kasalanan!