Kaalinsabay ng absentee voting bill ang pagbibigay ng karapatan sa mga overseas Filipinos ng dual citizenship. Ang gustong sabihin nito ay maaari pa ring maging Pilipino ang mga kababayan natin sa ibang bansa kahit na naging naturalized citizen na sila ng bansang kinaroroonan nila. Hindi katulad ngayon na kailangang iwanan nila ang pagiging Filipino upang maging citizen sila ng lugar na tinitirhan o pinagtatrabahuhan nila sa kasalukuyan.
Tiyak na matutuwa ang ating mga kababayan na maaaring napilitan lamang na lumisan ng ating bansa at mangibang-bayan upang magkaroon ng pagkakataon na makakita ng mahusay-husay na hanapbuhay. Ang karapatang bumoto at makasali sa pagpili ng mga mamumuno ay masayang tatanggapin ng mga Filipino overseas hindi lamang ng mga contract workers sapagkat kahit na papaano malaki pa rin ang interes nila sa Pilipinas dahil ito ang kanilang lupang tinubuan.
Maaprubahan kaagad sana ang mga panukalang batas sapagkat maraming kapakinabangan ang makakamtan ng ating bansa at mamamayan.