Holiday Economics

Buti pa ang mga taga-gobyerno, Lunes Santo pa lang bakasyon na. Ang mga private, sa Miyerkules pa.

Hindi pinagbakasyon ang government employees para makatipid sa suweldo. Gobyerno pa, mauubusan ng pera! Sa totoo nga, karamihan sa kanila nu’n pang Biyernes, ika-22 ng Marso, sumuweldo ng hanggang katapusan. ‘Yun kasi ang last working day of the month.

Kaya sila pinagbakasyon, para gumasta. Kaya bayad ang suweldo miski walang pasok. Hangad kasi ng Malacañang udyukan ang domestic spending. Sa ganitong paraan iikot ang pera sa ekonomiya. Pag umikot, may panggastos din ang iba. Gagasta, kikita, gagasta muli, kikita muli.

Kaya rin mahaba ang bakasyon ay para pumasyal ang government employees at pamilya nila sa kani-kanilang probinsiya. O kaya sa tourist resorts. Sa ganitong paraan naman, lilipat sa kanayunan ang pera, imbis na maipon lang sa siyudad. Mas maraming tao sa probinsiya. Kung doon gagasta ang government employees, magkakapera ang mga nasa nayon. Bibili sila ng mga produkto, karamihan ay gawa sa siyudad. Iikot uli ang pera at sisigla ang kalakal. Mas maraming magkaka-trabaho.

Ganyan ang estilo miski ng malalakas na ekonomiya tulad ng US at Europe. Ineenganyo sila mamili sa pamamagitan ng madalas na three-day weekends. Nagdaraos ng sale sa mga maliliit na bayan, na dinadayo naman ng mga taga-siyudad. Sa France, ineenganyo ang mga taga-Paris sa norte na isara ang mga opisina’t tindahan tuwing Hulyo para dumayo sa Nice sa sur. Sa ganoong paraan, nagkakapera ang mga probinsiyano sa sur. Ganoon din sa Italy at Germany.

Sa mga magbabakasyon sa probinsiya ngayong Holy Week, payo lang: Huwag sanang makipag-baratan sa pamimili. Alam kong bahagi ng kulturang Pinoy ang tumawad. Pero sa pagtawad, huwag nang ibaba ang presyo; padagdagan na lang ang binibiling handicrafts o prutas o kakanin. Sa ganoong paraan, kikita ang mga taga-probinsiya. Gaganahan pang muling mag-handicrafts, magtanim o magluto. Kikita pa silang muli. May ipambibili ng mga produktong-siyudad.

Show comments