Benepisyo ng pulis tinanggihan ng GSIS

Si Romualdo ay pulis na nakatalaga sa municipal jail. Ang duty niya ay mula alas-siyete ng gabi hanggang alas-siyete ng umaga. Dalawampung taon na siya sa pulisya, may asawa at isang anak na lalaki.

Isang araw nasangkot ang kanyang anak na lalaki sa isang saksakan kasama ang pamangkin ni Gerardo, isang pulis din sa bayan. Dahil sa insidenteng ito nagka-alitan ang pamilya ni Romualdo at Gerardo.

Kinabukasan, dinala ni Romualdo ang kanyang anak sa himpilan ng pulisya upang mapasailalim sa imbestigasyon at linawin ang pangyayari. Habang kausap ni Romualdo ang isang pulis, dumating si Gerardo, may hawak na baril at pinaputukan si Romualdo. Bumagsak si Romualdo ngunit nakuha ring barilin si Gerardo. Pareho silang namatay.

Ang asawa ni Romualdo na si Marina ay humiling ng mga benepisyo sa GSIS. Tinanggihan ng GSIS ang kahilingan. Ayon sa GSIS, si Romualdo ay napatay hindi sa lugar ng kanyang panunungkulan sa municipal jail kundi sa police station. Naroon siya hindi dahil sa pagtupad sa tungkulin kundi upang samahan ang anak, isang personal na tungkulin bilang ama at hindi bilang pulis. Kaya hindi siya dapat tumanggap ng death benefits. Tama ba ang GSIS?

Mali.
Ang isang pulis na tulad ni Romualdo, dahil sa uri ng kanilang trabaho, ay nanunungkulan ng 24 na oras bawat araw. Maaari silang tawagin anumang oras upang sugpuin ang krimen at panatilihin ang katahimikan at kaayusan. Kaya nararapat lang na bayaran at tulungan ang kanyang mahal sa buhay kung siya’y mamatay ng di inaasahan.

Bagamat si Romualdo ay wala sa kanyang puwesto noong nabaril, dinala naman niya noon sa police station ang kanyang anak – isang pinaghihinalaan sa saksakan upang imbestigahan. Kaya siya’y gumanap ng tungkulin hindi lamang bilang isang pulis. Malinaw lang na napatay siya sa pagganap ng tungkulin hindi lamang bilang ama kundi bilang isang pulis (Employees Compensation Commission vs. Court of Appeals G.R. No. 115858 June 28, 1998)

Show comments