Sino ang tamad?

ANG akala ko noon ang mga magsasaka ay tamad. Marami na akong beses nakarinig tungkol sa kanila kaya iyon ang natanim sa aking isip. Mayroon pang pruweba na madalas umanong makitang nagpapahinga ang magsasaka sa lilim ng punongkahoy dakong alas-onse pa lamang ng umaga. Natutulog sila pagkakain at aabutin ng hanggang alas-dos ng hapon kasama ang kalabaw sa lilim. Hindi ba katamaran iyon?

Pero nagbago ang aking maling pag-aakala o pag-iisip nang madalas na matulog ako sa bahay ng mga magsasaka sa nayon. Isa sa nakita kong masipag ay si Mang Senting. Alas-kuwatro pa lamang ay gising na ito at nagpupunta sa tumana at nag-aararo.

Totoong nakita ko na nagpapahinga siya sa lilim ng puno tuwing alas-onse ng umaga. Pero ng sumahin ko mula alas-kuwatro ng umaga hanggang alas-onse ay nakapagtrabaho na siya ng pitong oras. Nang sumapit ang alas-dos na ay sumabak na naman si Mang Senting hanggang alas-sais at ang suma total – 10 oras siyang nagtatrabaho. Ganoon ba ang tamad?

Pati ang pilapil ay kanyang inaararo at tinataniman ng sitaw.

‘‘Bakit naman pati pilapil ay tinaniman mo ng sitaw?’’ tanong ko kay Mang Senting.

Napatawa si Mang Senting at saka sumagot. ‘‘Ang sitaw sa pilapil ang aking guwardiya laban sa mga malilikot na bata at sa hayop na sumisira sa aking palay. Bukod doon may ulam pa kaming sariwang sitaw!"

Masipag ang mga magsasaka at matitiyaga sa buhay.

Show comments