Nang naglalakad na kami papunta sa kanyang mga pasyente ay napansin ko na walang dalang anuman si Ka Berong. Wala ni isang dahong gamot o anumang instrumento kaya tinanong ko.
Sagot ni Ka Berong, Talagang ganoon. Ihahanda na ng pamilya ang mga kailangan ko. Kung wala man ay pipiliting makuha ang hinihingi ko," tumigil sa pagsasalita at tiningnan ako. "Ikaw man Doktor ay napansin ko na walang dalang stethoscope. Ang lahat ng mga doktor na alam ko ay nakasukbit ang stethoscope sa leeg saan man pumunta. Ikaw ay wala.
Napangiti ako at sumagot. Kasi hindi ko na kailangang ipaalam sa lahat na ako ay isang doktor. Alam na ninyo hindi ba? Saka ayaw ko ng stethoscope. Ang ginagamit ko ay aking tenga. Mas epektibo kapag idinidikit ko sa dibdib ng pasyente."
Dumating kami sa bahay ng pasyente. Nakita namin na maraming tao roon dahil hinihintay si Ka Berong. Karamihan sa mga ina ay kandong ang anak na sanggol.
Hindi ko sila kilala pero binati ko ang lahat. Magpapagamot ba kayo kay Ka Berong?
Lahat ay tumango.
"Hindi namin alam ang gagawin kung wala si Ka Berong, sabi ng lahat.
Dagdag pa ng isang ina Kung tatakbong kapitan ng baryo si Ka Berong siguradong mananalo.
E, ako? tanong ko sa kanila.
Maaari kayong manalong konsehal.