Matagal nang bawal ang ukay-ukay. 1965 pa nang ipasa ang batas laban sa commercial importation ng used clothing. Nakapipinsala kasi ito sa kalusugan ng taumbayan, at nakayuyurak ng dignidad ng bansa. Sari-saring sakit di lang anghit ang maaring mapulot sa used clothes. Sa panahon ng terorismo, baka anthrax ang tumama sa Pilipinas mula sa US na kadalasang source ng used clothes. Bumababa ang dignidad ng Pilipino kapag namimili ng used clothes. Buti sana kung sa Eloys, legal na, gawang-Pinoy pa, kaya okay lang sa domestic economy. Pero yung pagtanggap ng parang limos mula sa ibang bansa, nakapanliliit.
Lahat ng ibinebenta sa ukay-ukay ay smuggled. Ipinupuslit ito sa pier o airport sa loob ng balikbayan boxes. Kunwariy mga damit na legal na padala ng isang Fil-Am sa mga kamag-anak sa Pinas. Yun pala, ibebenta sa palengke. Dahil smuggled, Customs ang tumutugis sa ukay-ukay. Dapat kasi, kung pang-commercial sale ang used clothes sa balikbayan boxes, magbayad ng import taxes.
Katwiran ng mga opisyal sa Baguio, payagan daw ang ukay-ukay dahil tourist attraction ito. Ang baba naman ng tingin nila sa turista at sa sariling lungsod. Maraming puwedeng ipagmalaki ang Baguio mula malamig na panahon hanggang tourist spots tulad ng Mines View Park at Lourdes Grotto para mabuhay ang turismo.
Katwiran naman ng mamimili sa ukay-ukay, mura raw kasi. Pero hindi naman lahat ng mura ay mabuti. Tulad ng pagmumura.