Dahil nga sa Hunyo ay isasara na ang dumpsite, ililipat na sila ng tirahan na inilaan sa kanila ng pamahalaan. Maraming taga-Payatas na naka-interact namin nang magsagawa ang aming foundation ng outreach program ang nagpahayag ng kanilang kalungkutan sa paglisan sa pook na iyon.
Si Aling Segundina, 70, ay matagal nang naninirahan sa Payatas. Tumutulong siya sa kanyang mga anak at apo sa pagbubungkal ng basura. Si Mang Jose ay napag-aral sa kolehiyo ang dalawang anak sa pamumulot ng basura. Binubuhay naman ni Iluminada mula sa basura ang apat na anak. Isang dalagang ina si Maria Amor, sinabi niya na hindi niya alam kung papaano sila mabubuhay na mag-ina sa pag-alis nila sa Payatas.
Marami pang katulad nila na ang naghahari sa puso ay pangamba sa magiging buhay nila sa pag-alis sa Payatas. Sanay hindi sila makaligtaan ng gobyerno sa pagkakataong ito.