Oras ng pagkain

KASO ito ng mga manggagawa sa isang korporasyong pag-aari ng gobyerno. May apat na turno na tig-walong oras ang mga empleyado. Maliban sa regular na walong oras mula alas otso ng umaga hanggang alas dos ng hapon; may pumapasok mula alas sais ng umaga hanggang alas dos ng hapon; alas dos ng hapon hanggang alas diyes ng gabi at alas diyes ng gabi hanggang alas sais ng umaga. Sa bawa’t turno may isang oras ng pagkain mula alas onse ng umaga hanggang alas dose ng tanghali, para sa mga may turnong alas otso ng umaga hanggang alas kuwatro ng hapon at mula alas siyete ng gabi, hanggang alas otso ng gabi para sa mga nagtatrabaho pagitan ng alas dos ng hapon hanggang alas diyes ng gabi.

Kahit may isang oras ng pagkain, lahat ng empleyado sa bawa’t turno ay itinuturing na nakapagtrabaho ng walong oras at binabayaran ng kaukulang suweldo. Ngunit kung ang mga empleyado sa isang turno ay inuutusang magpatuloy sa susunod na turno na sumasaklaw ng dalawang oras ng pagkain tulad ng mula alas sais ng umaga hanggang alas dos ng hapon patuloy hanggang alas diyes ng gabi binabawas ng kompanya ang dalawang oras ng pagkain. Kaya sa halip na walong oras bawat turno o 16 na oras sa dalawang turnong magkasunod, binabayaran lang sila ng pitong oras bawat turno o 14 na oras sa dalawang turnong magkasunod. Tama ba ang kompanya?

Mali.
Maaari lang bawasin ito kung nakaalis sa lugar ng trabaho ang mga empleyado sa oras ng pagkain. Dito sa kaso hindi nakakaalis ang mga empleyado sa lugar ng pinapasukan o kaya nakapagpahinga ng buo. Ang trabaho ay 24 oras na may apat na turno ng tig-walong oras. Maliban dito binabayaran ng kompanya ng walong oras ang mga empleyadong nagtatrabaho ng isang turno lang. Walang dahilan kung bakit hindi sila babayaran ng 16 oras kung magtrabaho ng dalawang magkasunod na turno. Ito’y malinaw na nagpapakitang tuluy-tuloy talaga ang trabaho sa kompanya kaya ang patlang sa oras ng tanghalian o hapunan ay dapat lang na bilangin sa pagkuwenta ng kaukulang suweldo at overtime. (NDC vs. CIR 6 SCRA 763.)

Show comments