Bunga ng ampalaya

ISA si Mang Asiong sa taga-nayon na gustung-gusto kong kausap dahil marami akong naitatanong at natututunan.

Minsan ay dinalaw ko siya at tuwang-tuwang ipinasyal ako sa kanyang bukid. Nang nasa malawak na bukid na kami ay nagtanong na ako.

‘‘Mang Asiong, matagal ko nang napapansin ang parang bakod na nakahalang sa tabi ng bukid at kalsada. Pero hindi naman siguro bakod dahil gawa sa tuyong dahon ng saging. Ano ba iyon?’’

‘‘Maobserba ka, Doktor. Sa kabila ng bakod ay may mga tanim akong ampalaya,’’ sagot ni Mang Asiong. ‘‘Ang bakod sa bakuran ay panangga sa hangin. Kasi ang talbos ng ampalaya ay maselan. Kaunting hampas ng ihip ng hangin ay mababali at natutuyo. Pero may isa pang dahilan kung bakit, kaya lamang ay baka kayo magtawa.’’

‘‘Pangako, hindi ako tatawa.’’

‘‘Ang una kong sinabi ay totoo. Ang bakod ay panangga sa hangin. Pero ang isa pang dahilan ay upang huwag makita ng sinuman ang bunga ng ampalaya. Ang paniwala namin, napipigil ang paglaki ng bunga ng ampalaya kapag nakikita ng tao. Kapag hindi nakikita, mas mabilis lumaki ang mga bunga ng ampalaya.’’

‘‘Dapat pala ay huwag akong magpakita sa tao para ako lumaki," sabi ko habang nagtatawa.

Tumawa na rin si Mang Asiong.

‘‘Madalas akong pupunta rito Mang Asiong, kasi marami akong natututuhan sa iyo,’’ sabi ko pa.

Show comments