Dumulog sa akin ang kumpare kong si Rene Tichangco, reporter ng Radyo ng Bayan, in behalf of the other affected residents at sinabing ilegal ang pag-angkin ng pamilya Manotok sa lupaing malaon nang tinitirhan ng mga residente. At ayon sa abogado nila na si Atty. Reynaldo Aralar, peke ang pinanghahawakang papeles ng mga Manotoc dahil ang mga ito"y "acquired through fraud and misrepresentation."
"Sana matulungan kami ni President Arroyo at ni House Speaker de Venecia" ani Pareng Rene.
Nais kong tawagan ng pansin si Housing and Urban Development Coordinating Council Chairman Mike Defensor na maaaring makatulong nang malaki sa mga residenteng ito na nakabitin sa balag ng alanganin.
Mr. Chairman, last year pa raw iniharap sa inyong tanggapan ang kanilang problema at umaasa sila sa maagap na aksyon.
The residents are claiming that OCT 280 and OCT 7477 in the hands of the Manotoks are fraudulent documents. May katibayan daw sila para patunayan ito.
At maging si Rep. Jimmy Lopez ay naniniwala sa claim ng mga residenteng nabanggit.
Sabi ni Lopez, malakas ang ebidensya na nagsasaad na ang OCT 820 ay naisyuhan ng decree of registration no. 1424 noong 1905 na ang magnetic survey ay natapos noong l906. Ito, ani Lopez ay labag sa Act 496 at Presidential Decree 1529.
Sa mosyon ng mga residente, sinabi na ang OCT 7477 ay bahagi ng Estero de Sunog Apog, Estero de Maypajo at Sapang Bisita kaya di puwedeng patituluhan porke isang "public domain" na pag-aari ng Estado.
Nilinaw ng abogado ng mga petitioners na hindi sila lumampas sa taning na 15-araw na ibinigay ng Korte para magharap ng petition for certiorari dahil ang Court of Appeals resolution ay natanggap ng petitioners noong Nob. 6, 2001 at inihain noong Nob. 20, 2001.
Sa resolusyon ng Korte Suprema, sinabi na "dismissed on the ground that the certiorari cannot substitute for lost remedy of appeal."
Katuwiran pa ng Abogado na sa rules on civil procedure ukol sa petition for review, may 15-araw para iharap ang petisyon at 60-araw naman sa petition for certiorari.
Kapakanan ng libu-libong maralita ang nakataya rito. Sanay magbigay ng konsiderasyon ang Korte.
At sanay magawan pa ng paraan ito ng ating administrasyon. Nabanggit ko nga sa nakaraang kolum na ang tanging paraan para suportahan ng taumbayan ang administrasyong ito ay ang delivery of basic services.
Huwag na nating dagdagan ang bilang ng mga taong oppressed at nagagalit sa administrasyon.