Yan ang napapansin ng prosecutors sa plunder case ni Joseph Estrada. Parating pinapa-postpone ng defense lawyers ang trial niya. Nung una, kesyo wala raw preliminary investigation na ginawa ang Ombudsman. Kesyo may lakad daw silang siyam sa parehong araw. Kesyo kulang ang panahon para pag-aralan ang kaso.
Itinuloy ng Sandiganbayan ang bista. Tungkulin kasi ng Korte ang mabilis na pagdinig ng ano mang kaso. Maraming bagong palusot ang lawyers para ipa-postpone ang hearings. Kesyo wala pang desisyon para i-house arrest na lang si Erap. Kesyo kailangan niyang magpagamot sa US. (Ni wala naman siyang US visa.) Kesyo pinatatanggal nila si Justice Anacleto Badoy dahil sa pagkiling umano sa prosecutors.
Tinanggal ng Korte Suprema si Badoy. Bumuo ng special division ng Sandiganbayan para litisin lang lahat ng kaso ni Erap. May mga bago na namang isyu para ipa-postpone ang bista. Kesyo pang-aabuso raw ang pagtalaga ng special court para kay Erap. Kesyo ito, kesyo iyan.
Hangad ng bawat akusado ang mabilis na paglilitis. Trabaho ng abogado na mabistahan agad ang kliyente, at nang makalaya na kapag mapatunayang walang-sala. Pero kakaiba ang laro nina Erap at defense lawyers. Pinatatagal ang proseso. Parang may hinihintay na maganap.