Saan napupunta ang P100-M para sa reward system ng PNP?

Dapat lang sigurong busisiing mabuti ng gobyerno ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo kung saan napupunta ang mahigit P100 milyong pondo ng National Drugs Enforcement and Prevention (NDEP) sa Camp Crame ukol sa kanilang ‘Private Eye’’ reward system.

Nagtataka kasi ang marami kung bakit ayaw ng NDEP na magbigay ng pabuya sa mga impormante na nagbuwis ng kanilang buhay para mapuksa ang sindikato ng droga sa bansa dahil lamang sa isang technicality. Maaaring tama rin ang katwiran ni Director Miguel Coronel, hepe ng NDEP, na maaring abusuhin ang ‘‘Private Eye’’ program kapag hindi nila ito hinigpitan. Hindi nalalayo, ani Coronel, na ang pera ay mapasakamay lamang ng mga pulis kapag hindi nai-coordinate ang operation sa kanyang opisina.

Pero ang kuntensiyon naman ng mga impormante, may loophole rin itong programa ng NDEP. Paano kung na-infiltrate na ng sindikato ng droga itong NDEP eh di nangangahulugang patay din sila, anang isang impormante. Ang ipinagtataka kasi ng marami, wala silang narinig na balitang nagbigay nga ng reward money itong NDEP.

Sinabi ni Supt. Roberto Rosales, police provincial director ng Quezon, na walang pabuyang dumaan sa kanyang kamay mula ng makumpiska nila ang malaking shipment na 503 kilos ng shabu noong nakaraang taon. Nakipag-coordinate pa si Rosales kay Director Coronel kung paano matulungan ang asset niya sa pinakamalaking drug bust ng 2001. Napag-alaman ko rin na ang drug haul sa Zambales na umaabot sa 334 kilos ng shabu ang nakumpiska ay hindi rin nagkaroon ng reward ang impormante. Lalo na ang sa Pasig City laboratory at ang magkasunod na raid laban sa Hong Kong Triad sa Pasay City at Manila.

Ang tanong natin sa ngayon kay Director Coronel, saan napupunta ang reward money? Bakit ayaw ng NDEP mabigyan ang mga impormante sa malalaking huli? Kuntento lang ba ang NDEP sa maliliit na huli? Paano ngayon kukumbinsihin ng gobyerno ni GMA ang mga impormante na makipagtulungan sa pulisya para mapuksa ang sindikato ng droga?

Dapat maintindihan din ni Coronel na kapag malaki na ang operasyon ay hindi na dapat i-coordinate sa kanyang opisina dahil sa pangambang mag-leak ang operation. Mapupunta sa wala kasi ang matagal na oras na ginugol ng operatiba dito. Hindi lang ’yan. Gumastos din kahit paano ang mga pulis natin para alagaan ang mga impormante nila kaya nararapat lang nare-imburse ito, di ba mga suki?

Sa ngayong may nangyari na namang raid sa isang shabu lab sa San Juan tingnan natin kung may maasahang pabuya ang impormante. Abangan.

Show comments