Utak ni Supt. Ikbala me bahid martial law ?

Hindi maganda sa imahe ng pulisya itong ikinilos ni Supt. Sukarno Ikbala, hepe ng Mandaluyong City police ukol sa tangkang pagkidnap noong Enero 5 kay Marie Hilario sa parking lot ng Shangri-La shopping mall sa siyudad.

Tinakot umano ni Ikbala ang mga imbestigador ng kaso at iba pang pulis na ipatatapon sa Bicol region kapag nagsalita o nagbigay sila ng detalye ng kaso ni Hilario sa media.

Ano ba, may bahid pa ba ng martial law ang utak ni Ikbala? Ang tinuran ni Ikbala sa kaso ni Hilario ay taliwas sa kautusan ni Dir. Edgar Aglipay, hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa mga opisyales ng pulisya na makipagtulungan sa media para maisiwalat sa publiko ang tunay na kalagayan ng bansa. Pero kahit may media gag man nakuha rin naman ng media ang detalye ng Hilario kidnap try at kung mali-mali man ang lumabas na balita, wala nang iba pang dapat sisihin pa kundi itong si Ikbala.

Kung sabagay, dahil sa mali-maling desisyon ni Ikbala kaya nagkaroon ng demoralisasyon diyan ngayon sa Mandaluyong City police force. Ilang opisyal na ang gustong umalis subalit ayaw silang payagan ni Ikbala. Ayaw na ring magtrabaho ng mga pulis dahil alam nila, hindi buhos ang suporta sa kanila ng hepe nila. He-he-he! Ano ba ’yan?

Naguguluhan kasi ang mga pulis dahil mabilis umano si Ikbala na pumirma ng mission order ng mga ‘‘private army" ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos samantalang ang kanila naman ay dadaan muna sa butas ng karayom. May problema nga si Ikbala sa puntong ito, di ba mga suki?

Mukhang walang amor itong si Ikbala sa kanila, ayon sa mga pulis na nakausap ko, dahil nanatili ito sa kanyang opisina sa second floor ng building habang sila ay abala at nagsasaya sa ground floor noong nakaraang Christmas party nila. At sa ginawa ni Ikbala na pananakot sa mga tauhan niya sa Hilario kidnap try, dumarami ang bilang ng kapulisan na lumalayo ang loob sa kanya. Ayaw lang ng mga pulis na mag-aklas dahil hindi naman ito ang tamang arena para nila ilabas ang mga hinaing nila. Anila, trabaho lang at walang personalan.

Ang idinahilan ni Ikbala, wala namang kidnap try laban kay Hilario dahil ang nangyaring kaso ay ‘‘lover’s spat’’ lang. Ang iniimbestigahan umano ng mga bataan niya ay ang narekober na RAV 4 na inagaw umano ng apat na armadong kalalakihan sa may-ari nitong si Sheila Lim ng Binondo, Manila sa parking lot ng isang mall sa Makati City.

Maraming bersiyon ang lumutang sa kidnap try ni Hilario na anak ni Sr. Supt. Almario Hilario, na isa umano sa mga akusado sa kontrobersiyal na Kuratong Baleleng case. Eh, kung hindi nangyari ang media gag ni Ikbala, sana luminaw na kung ano talaga ang tunay na motibo sa kaso. Dahil sa pananakot ni Ikbala sa mga tauhan niya, kahit ano pa ang sabihin niya ukol sa kaso ay ayaw nang paniwalaan ng mga mediamen. Kahit umabot pa sa puntong totoo na ang mga sinasabi niya.

Show comments