^

PSN Opinyon

Kapistahan ng Tatlong Hari

ALAY-DANGAL - Jose C. Blanco S.J. -
ISA sa popular na awiting pamasko ay tungkol sa pagdalaw ng Tatlong Hari sa bagong panganak na si Jesus. Ang pangyayaring ito ay ipinagdiriwang natin tuwing ika Enero 6. Ang mga pangalan ng Tatlong Hari ay hindi binabanggit sa Ebanghelyo, subalit alam natin na sila ay sina Melchor, Gaspar at Baltazar.

Narito ang kakaibang kuwento ni Mateo (Mt. 2:1-12).

‘‘Si Jesus ay ipinanganak sa Betlehem ng Judea noong kapanahunan ni Haring Herodes. Dumating naman sa Jerusalem ang ilang Pantas mula sa Silangan at nagtanung-tanong doon: ‘Nasaan ang ipinanganak na Hari ng mga Judio? Nakita namin sa Silangan ang kanyang tala at naparito kami upang sambahin siya.’

‘‘Nang mabalitaan nito ni Haring Herodes, siya’y naligalig, gayon din ang buong Jerusalem. Kaya’t tinipon niya ang lahat ng punong saserdote at mga eskriba sa Israel at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesias. ‘Sa Betlehem po ng Judea,’ tugon nila. ‘Ganito ang sinulat ng propeta: ‘‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi nga huli sa mga pangunahing bayan ng Juda. Sapagkat sa iyo lilitaw ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.’’

‘‘Nang mabatid ito, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at itinanong kung kailan lumitaw ang tala. At pinalakad niya sila patungong Betlehem matapos pagbilinan ng ganito: ‘Humayo kayo at hanaping mabuti ang sanggol. Kapag inyong nagtagpuan, ibalita agad ninyo sa akin upang ako ma’y makasamba sa kanya.’ At lumakad na ang mga Pantas. Muli silang pinangunahan ng talang nakita nila sa Silangan hanggang sa sumapit ito sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Gayon na lamang ang galak ng mga pantas nang makita ang tala! Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ng kanyang inang si Maria. Lumapit sila at nagpatirapa at sinamba ang bata. Binuksan nila ang kanilang mga sisidlan at inihandog sa kanya ang dala nilang ginto, kamanyang at mira.

‘‘Nang sila’y pabalik na, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes. Kaya, nag-iba na sila ng daan pauwi.’’

Ang mga Judio ay may Kasulatan na nagsasabi sa kanila tungkol kay Yahweh, ang Diyos. Ang Tatlong Hari ay hindi mga Judio. Sila’y mga Hentil. Para sa kanila, ang tala o bituin ang kanilang kasulatan. Sinundan nila ang tala at natagpuan nila ang lugar na kung saan ipinanganak si Jesus. Ginagamit ng Diyos ang kalikasan upang ipahayag sa mga tao kung ano ang ginagawa ng Diyos upang iligtas ang mundo.

Nang nasa harapan na ni Jesus ang mga hari, sila’y nagpugay at sumamba sa kanya. Binigyan nila siya ng mga handog. Ang isa’y nagbigay ng ginto, pagkat si Jesus ay hari. Ang isa nama’y nagbigay ng mira isang uri ng langis na nagbibigay ng mahalimuyak na bango.

Bilang tugon, inialay ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila. Ang Tatlong Hari ay naging mananampalataya.

ANG TATLONG HARI

BETLEHEM

DIYOS

HARI

HARING HERODES

JUDIO

NANG

SILANGAN

TATLONG HARI

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with