Ang treasurer na si Mang Asiong

SI Mang Asiong ang treasurer ng Bankong Pangnayon. Malaki ang tiwala ng lahat sa kanya. Madali siyang lapitan at magaling makisama.

Nang tinanong ko ang mga taga-nayon tungkol sa mga katangian ni Mang Asiong bilang treasurer, sinabi nila na ito ay subok at maaasahan.

Si Mang Asiong ay walang natapos na pinag-aralan. Pero hinalal na treasurer dahil subok at talagang maaasahan.

"Paano ba kayo naging treasurer?" tanong ko kay Mang Asiong.

"Ewan ko ba sa mga taga-rito. Siguro nagkatuwaan sila." Ang sagot niya ay tanda ng kanyang kababaang-loob. Walang bahid ng kayabangan.

"Ilan taon na ba kayong treasurer?"

"Mahigit nang 25 taon. Naging treasurer ako dahil sa kaingayan ng bunganga ko. May pulong noon sa nayon. Binanggit ko na hindi ko alam kung saan napunta ang aking inambag na pera para sa nalalapit na fiesta. Bigla ay nahalal akong treasurer."

"Madali bang maging treasurer?"

Umiling si Mang Asiong. "Pinarusahan ako."

"Bakit naman?"

"Ang maging treasurer ang pinakamahirap na trabaho sa nayon. Walang katapusan ang problema."

"Ano ang ginawa mo?"

"Una ay niremedyuhan ko ang aking reklamo. Inilista ko ang bawat ambag at pangalan ng nagbigay sa pader ng simbahan. Sa tabi ay inilista ko rin ang lahat ng gastos sa fiesta."

"Tinanggap ba ng taga-nayon ang sistema?"

"Hindi lang tinanggap. Lumaki pa ang ambag ng lahat. Pati hindi nagbibigay ay naingganyong mag-ambag."

"Sa bahay n’yo ba ay ikaw din ang treasurer?"

"Hindi, Doktor."

"Sino?"

"Siyempre ang asawa ko."

Show comments