^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pag-asa sa Paskong tuyo

-
MALIGAYA pa rin ang Pasko kahit tuyo. Tuloy pa rin ang Pasko kahit naghihirap ang buhay. Walang makapipigil sa taun-taong pagdiriwang. Nasa puso at isipan pa rin ng bawat isa (lalo ng mga dukha) na sa susunod na taon ay uunlad ang ekonomiya, magkakaroon ng pagkakakitaan, giginhawa ang buhay at ganap na makababangon sa kumunoy ng kahirapan. Ganyan naman ang mga Pinoy, kahit na walang-wala, nagkakaroon sa panahon ng Pasko. Kahit kaunti ay mayroong pinagsasaluhan sa noche buena. Kahit paano may butil ng pag-asa.

Ang kahirapan ay hindi maikakaila at pinatotohanan pa ito ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kamakailan, hindi nabawasan kundi nadagdagan pa ang bilang ng mga Pilipinong nagdaranas ng kahirapan. Kahit na may mga bahay na nagliliyab sa Christmas lights at halos lahat ng poste ay may nakasabit na parol na kumikinang, hindi ito sapat na batayan na nakababangon na sa pagkakasubsob ang bansa. Hindi kayang itago ng mga mararangyang ilaw o parol ang kahirapan ng buhay. Maraming mahihirap ang nananatiling pinuproblema ang kakainin sa kinabukasan. Hindi maikakaila na marami pa rin ang kapus-palad na magpapasko ngayon sa tirahan nilang waiting shed, kariton at mga sira-sirang barung-barong na nasa gilid ng estero.

Walang ipinagbago noong nakaraang Pasko 2000, na habang marami ang nagdarahop, ang pinuno naman pala ng Pilipinas ay nahaharap sa sari-saring akusasyon gaya ng pandarambong at pangungulimbat. Isang dahilan marahil iyon kung bakit nga marami ang naghihikahos. Ang katiwalian ang labis na nagpapahirap kaya ang Pasko’y laging salat.

Maraming nagsasabi na ang Paskong ito ang pinakamahirap kumpara sa mga nakaraan. Sagad-sagad ang paghihigpit sa sinturon. Ang iba ay wala nang maihigpit sapagkat sakal na sakal na. Marami ang nagtataka kung bakit patuloy ang pagdarahop gayong sinasabi ng pamahalaan na umaangat na ang ekonomiya. Bakit anila hindi bumababa ang mga pangunahing bilihin gayong sunud-sunod na ang pagbaba ng presyo ng gasolina. Marami pa rin anila ang nawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga kompanya. Hindi pa umano maramdaman ang sinasabi ni President Gloria Macapagal-Arroyo na iaangat ang kalagayan ng mga mahihirap.

May ngiti rin kahit Paskong tuyo. May pag-asa sa kabila ng pagdurusa. Hindi nawawala ang pangarap na mababago rin ang buhay. Sana nga Mrs. President, sa susunod na Pasko ay magkaroon ng katotohanan ang iyong mga pangako sa mahihirap.

Maligayang Pasko sa lahat.

KAHIT

MALIGAYANG PASKO

MARAMI

MARAMING

MRS. PRESIDENT

PASKO

PASKONG

PRESIDENT GLORIA MACAPAGAL-ARROYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with