EDITORYAL - Nalimutan ba ang mga corrupt ?
December 12, 2001 | 12:00am
IDINAOS noong Lunes sa Manila Hotel ang National Socio-Economic Summit at naglatag nang matitinding balangkas si President Gloria Macapagal-Arroyo para sa kapakanan ng taumbayan. Hindi nakapigil kay GMA ang malakas na atungal ng mga nagra-rally para ihayag ang napakaraming pagbabago ng kanyang gobyerno sa hinaharap. Kabilang sa mga ipinangako ni GMA ang pagdagsa ng trabaho, pagpapabuti sa basic social services, bahay para sa mga mahihirap, paglupig sa terorismo, kidnapping, drug at smuggling syndicate, pagpapabuti sa revenue collection, paglutas sa traffic problem, pagpapaunlad sa agriculture at tourism at marami pang iba.
Sa dami ng mga balak ni GMA kakatwa namang wala siyang binanggit tungkol sa mga corrupt sa pamahalaan. Maraming pagbabago siyang binanggit subalit nakalimutan yata niyang ang mga corrupt ang nagbabagsak sa bansa. Mula nang maupo si GMA noong January, hindi pa rin nadudurog ang mga corrupt sa pamahalaan na sumisipsip sa perang dapat ay gagamitin sa pagpapaunlad ng bansa at kabuhayan ng mga mahihirap.
Isa sa mga ahensiya ng pamahalaan na dapat saliksikin ni GMA ay ang Bureau of Customs (BoC) na hindi na kaila sa taumbayan na isa sa mga pinaka-corrupt. Maraming uod dito na ngumangatngat sa pera ng bayan. Kabi-kabila ang corruption. Ang katiwalian ay makikita kahit na sa mumunting bagay na inilalako sa kalye halimbaway ang hand drill machines na gawa sa Japan. Naipupuslit ito sa Customs ng mga corrupt na opisyal at empleado at ipinabebenta sa kalye sa halagang P2,000 at maaari pang tawaran. Hindi na kataka-taka kung bakit ipinabubuwag na ni Surigao Rep. Ace Barbers ang Customs. Nakikita marahil niya na ginagawa lamang gatasan ng mga corrupt na opisyal at empleado ang bureau. Patuloy na nagpapasasa habang marami ang naghihirap na kababayan.
Hanggat hindi nasusugpo ang corruption hindi magtatagal ang mga magagandang balakin ni GMA. Kailangang maputol ang ugat at saka itapon sa apoy para masigurong hindi na ito muling mabubuhay. Kailangang magdeklara ng panibagong pakikibaka si GMA sa mga corrupt sa pamahalaan. Kung naghahangad siya ng mga pagbabago para sa kanyang gobyerno, huwag niyang kalimutang isama ang pagdurog sa mga corrupt. Kapag nawala ang mga corrupt, tiyak na magkakaroon ng lubusang pagtitiwala ang taumbayan sa gobyerno. Kung hindi, sayang lamang ang pagbabalak sapagkat kakainin lamang ng mga matatakaw na uod.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended



















