Editoryal - Parusahan ang mga mandarayang kompanya

Paskong tuyo! Ito ang maaaring danasin nang maraming empleado na dinadaya ng kanilang mga employers. Karampot na ang suweldo ay pinagkakaitan ng mga benepisyo na nakasaad naman sa batas. Kawawa na nga ay lalo pang pinahihirapan at mas kinakawawa.

Mahirap ang Paskong darating para sa mga manggagawa at empleado at maaaring danasin pa nila ito sa mga susunod na Pasko kung hindi maparurusahan ang mga ganid at mandarayang may-ari ng kompanya.

Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Sabado na may 6,000 establisimiyento ang lumalabag sa batas. Wow, 6,000 na gahaman sa bansang naghihirap! Nilalabag umano ng mga establisimiyentong ito ang minimum wage law.

Ayon sa ginawang inspection ng DOLE, nalaman nilang 2,276 sa 12,861 na establisimiyentong kanilang binisita ang hindi nagbibigay ng 13th month pay. Sinasabi sa batas na dapat pagkalooban ng kompanya ang kanilang mga empleado ng ekstrang isang buwang sahod at kailangang ibigay ito bago sumapit ang December 24.

Bukod sa paglabag sa minimum wage law at 13th month pay law, hindi rin sila nagbabayad ng overtime; hindi sumusunod sa incentive leave at hindi rin nagbabayad ng regular, special at rest day.

May palagay kami na higit pa sa 6,000 gahaman at mandarayang kompanya ang lumalabag sa batas. Marami pang hindi nabibisita ang mga taga-DOLE at ito ang nararapat pa nilang pagsikapang saliksikin. Sinabi noon ni President Gloria Macapagal-Arroyo na nadarama niya ang damdamin ng mahihirap. Sa pagkakataong ito, dapat niyang makita na maraming umaapi sa mga empleado at manggagawa. Atasan niya si DOLE Secretary Patricia Sto. Tomas na parusahan ang may 6,000 kompanya na hindi sumusunod sa batas. Kapag nagpatuloy ang mga gahaman at mandaraya, para na ring binali ni GMA ang kanyang pangako noong kauupo pa lamang niya sa Malacañang. Ayaw na ng mga maliliit na manggagawa ng pangakong katulad nang sa bumagsak na si President Estrada. Maraming ipinangako noon si Estrada subalit walang natupad at maraming mahihirap na manggagawa ang pinulot sa kangkungan. Sana’y hindi ganito ang kasapitan sa pamahalaan ni GMA.

Kahit man lamang sa susunod na Pasko (2002) ay makatikim na ng 13th month pay ang mga kinakawawang manggagawa. Parusahan ang mga mandaraya upang hindi na makapaminsala.

Show comments