Bago pa pinaulanan ng matitinding akusasyon si President Gloria Macapagal-Arroyo at ang asawa niyang si First Gentleman Mike Arroyo, una nang inakusahan si Sen. Panfilo Lacson na may kaugnayan sa drug trafficking, money laundering, salva-ging, wire tapping at iba pa. Lumutang si Intelligence chief Victor Corpus, Ador Mawanay at Rosebud. Binusisi nang matagal sa Senado katapus-tapusay wala ring nangyari. Ang inaasam ng taumbayang katotohanan sa mabibigat na kaso (tulad ng drug trafficking) ay nawalang parang bula. Ngayoy hindi na malaman kung nasaan si Ador at tahimik na rin sina Rosebud at Corpus.
Biglang natahimik ang pag-aakusa kay Lacson. Para bang tinahi ang mga bibig. Kasabay niyon ang First Gentleman naman ang nirepeke at inulan siya nang nakayayanig na mga akusasyon. Unay sa anomalya na tumanggap ito ng P50-million para mabigyan ng franchise ang dalawang telecommunication company. Nilinis siya ng senado sa akusasyon. Subalit hindi pa pala tapos sapagkat lumutang naman ang businessman na si Pacifico Marcelo at idinadawit na rin sa isyu ng telecommunication scam si GMA. Noong isang linggo, panibagong akusasyon na naman ang ibinato sa First Gentleman sangkot umano ito sa rice smuggling.
Habang inuuga ang First Gentleman, bumaling naman ang matitinding akusasyon kay GMA. Binira ito ng tungkol sa P17-milyong ransom sa mga Abu Sayyaf. Ibinulgar naman ito ni Sen. Serge Osmeña III. Alam umano ni GMA ang ransom at dawit din ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines.
Natutuliro ang taumbayan sapagkat hindi nila malaman kung sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo. Nagdudulot ng kawalang tiwala sapagkat sa bawat pagbabanggaan ay ang taumbayang nangangailan ng tulong ang naiipit. Dahil sa kaabalahan sa pagsangga sa mga akusasyon ay marami ang nakaliligtaang serbisyo. Ang taumbayan ang higit na kawawa sa nangyayaring ito.