Ano bang punla ang dapat itanim na malayo sa isat isa para tumubo ng malusog? tanong ko.
Aba, halos lahat ng tanim ay dapat may puwang, Doktor."
Mabilis na nagbigay ang mga kababaihan ng ibat ibang halimbawa. May nagbigay ng bungangkahoy na kapag lapit-lapit ay payat at hindi mabunga. May nagsabi ng petsay, mais at palay. Mababansot ang mga ito kapag walang puwang.
Tama," sabi ko. Nagustuhan ko ang napili nilang halimbawa.
Pero kung sobra ang agwat ay masama rin naman dahil masasayang ang pataba, sabi naman ng isang babae.
Oo, sang-ayon ko. "Ganyan din sa family planning. Dapat may puwang ang panganganak ngunit pag-sobra ay masama rin.
Tumayo si Aling Sepa at nagsalita. Para palang pagpapabunga ng pinya, Doktor.
Paano ba ang sa pinya, Aling Sepa? Ako lang yata ang hindi nakaaalam.
Alam nyo ang pinya ay dapat may tamang puwang para maging malusog. Ito ay nagiging mabunga sa pamamagitan ng paglalagay ng kalburong singlaki ng mais. Inilalagay ito sa ubod at binabasa. Ngunit kapag madalas at sunud-sunod ang paglalagay ng kalburo ay maliit ang bunga. Pero kung tama ang puwang ng pagtatanim at pagpapabunga, malaki at malusog ang pinya."
Ganoon pala, nasabi ko sa sarili. May natutuhan na naman ako kay Aling Sepa.