Ibat iba ang interpretasyon ng mga taga-nayon sa IUD. Ang iba ay tinatawag itong alambre o wire dahil korteng S. May nag-aakalang ang ibig sabihin ng alambre ay barbed wire o alambreng may tinik.
Siyempre matatakot ang sinuman na pasukan sa matris ng alambreng may tinik na ginagamit pambakod.
Ipinaliwanag kong mabuti na ang IUD ay plastik na malambot na ipinapasok sa matris. May nagtanong na baka ito raw ay makakakanser.
Hindi ito nakakakanser. Para lang itong plastik na pustiso sa ngipin. Meron na ba kayong nabalitaan na nagkakanser sa bibig dahil sa plastic na pustiso? tanong ko. Tahimik ang kababaihan. Alam ko marami pa rin ang hindi makaunawa sa paliwanag.
Si Aling Sepa na lagi kong kasama sa pagpapaliwanag sa mga taga-nayon tungkol sa kahalagahan ng family planning ay may naisip na magandang paghahalintulad sa IUD. Ginamit niyang halimbawa ang suwi ng saging.
Pag nag-umpisang mamunga ang punong saging ay maraming suwi ang lalabas sa paligid. Kapag pinabayaang tumubo ang mga suwi, liliit ang mga bunga ng saging. Kaya kailangang lipulin ang mga suwi. Matrabaho kung huhukayin sa lupa ang mga suwi at kung puputulin naman ay tutubo agad.
May nadiskubre ang mga magsasaka na paraan para huwag dumami ang mga suwi. Pinuputol ang dulo nito at pinapasakan ng tinulisang sanga ng kahoy. Hindi bat kapareho ng IUD ang pamamaraan? tanong ni Aling Sepa.
Hangang-hanga ako kay Aling Sepa sa ibinigay na paliwanag. Nakuha ng mga taga-nayon ang kahalagahan ng pagpaplano ng pamilya.