"Ilang buwan na kayong umiinom ng pills?" tanong ko sa isang babae.
"Labinlimang buwan na ho."
"Mayroon bang araw na nakakalimot kang uminom ng pills?"
"Minsan lang."
Si Aling Sepa naman ang nagtanong. "Ano ang ginawa mo nang makalimot ka?"
"Kinabukasan, uminom ako ng dalawang pills, isa sa umaga, isa sa gabi."
"Marunong!" sigaw ni Aling Sepa na masayang-masaya.
"Paano mong naalalang inumin ang pills?" tanong ko.
Nag-isip sandali at saka sumagot, "Sa gabi ako umiinom ng pills. Itinatali ko ang pakete ng pills sa aming gasera. Ako ang nagsisindi ng gasera kaya naaalala ko ang gamot. Pagkatapos ng ilang buwan ay nabibihasa na ako at hindi na nalilimutang uminom ng pills."
"Ang gasera pala ang iyong tanglaw para sa iyong pills," wakas ko at umalis na kami.
Tuwang-tuwa kami ni Aling Sepa. Epektibo ang paggamit ng pills para sa family planning.
"Mayroon pang dalawang paraan para maalala ang pag-inom ng pills, Doktor," sabi ni Aling Sepa. "Pero kailangan pang pag-aralan para lubos na maunawaan."
"Ano iyon?" tanong ko.
"May mag-asawang nagkasundo na ang lalaki ay paaalalahanan ang babae gabi-gabi. Ang isa namang mag-asawa ay nilalagyan ng umiilaw na tape ang pakete ng pills. Sabi nila, sa dilim ay kumikislap ang tape kaya naaalala ang pag-inom ng pills."
"Mas magaling talaga kung dalawa ang nag-iisip para sa family planning," dagdag ko.