Ang pills sa family planning

Isang babaing gumagamit ng pills ang nagtanong sa akin. "Doktor totoo po bang ang babae raw na umiinom ng pills ay tinutubuan ng balahibo sa buong katawan at nagboboses lalaki?"

Dahil nagmamadali ako papunta sa meeting ay sinabi ko sa babae: "Ganito ang gawin mo. Pumunta ka sa bahay namin at kausapin ang asawa ko. Ipaliliwanag niya ang lahat ng tungkol sa pills ganoon din ang pagkakaroon ng balahibo sa katawan at pagbabago ng boses. Ang aking asawa ay gumagamit ng pills para sa family planning."

Nagpasalamat ang babae. Ako naman ay tumuloy sa aking pupuntahang meeting.

Nang gabing iyon, tinanong ko ang aking asawa kung may nagpuntang babae. Sinabi kong ang itatanong ng babae ay tungkol sa pills, sa balahibo at pagbabago ng boses na tulad ng sa lalaki.

Wala raw nagpunta sabi ng misis. Medyo nabahala ako dahil baka kumalat ang balita tungkol sa balahibo at boses lalaki. Siguradong hihinto sa pag-inom ng pills ang mga kababaihan para sa family planning.

Tinawag ko si Aling Sepa. Ipinaliwanag ko ang nangyari. Nakiusap akong hanapin niya ang babae.

Pagkaraan ng tatlong oras, bumalik si Aling Sepa na nakangisi. Tanda na matagumpay ang kanyang ginawang paghahanap sa babae.

"Nakita ko siya at sinabing hindi na nag-abalang kausapin ang asawa n’yo, Doktor. Nang binanggit daw n’yo na ang inyong asawa ay umiinom ng pills, imposible raw na ito ay makapagbibigay ng balahibo sa katawan at nakapagpapalit ng boses tulad sa lalaki."

Show comments