EDITORYAL - Sayang ang Clean Air Act at drug testing

Dito sa bansang ito, kahit naipasa na at napagdebatehan na ang batas ay marami pa rin ang sumasalungat. Ito ang isang hindi maganda sa ating bansa. Marami nang naiakdang batas subalit hindi maipatupad dahil marami ang "bumabaril". Hindi pa nakikita ang epekto ay marami nang konklusyon. Marami nang haka-haka na hindi maganda ang kalalabasan. Ang nangyayari tuloy kahit na masipag gumawa ng batas ang isang kongresista ay nawawalan din ng saysay sapagkat kinokontra na. Sayang lamang ang pinagdebatehan at ginastusan sapagkat natatambak lamang. Magandang halimbawa rito ang Clean Air Act of 1999 at ang isinasagawa sa kasalukuyang mandatory drug testing para sa mga kukuha at magre-renew ng driver’s license.

Ang Clean Air Act ay walang ngipin. Maraming ginastos dito ang pamahalaan para lamang maipasa subalit nananatiling walang silbi. Marami kasi ang bumabatikos. Nakasaad sa batas na bawal ang paggamit ng incinerators subalit tinututulan na ito ngayon at kailangan umanong amiyendahan. Marami rin naman ang hindi sumusunod na motorista at patuloy na ginagamit ang kanilang mga sasakyang nagbubuga ng nakalalasong usok. Nagsasagawa ng panghuhuli ang Department of Transportation and Communications (DOTC) subalit pakitang-tao lamang yata.

Ang mandatory drug testing ay binabaril na ngayon gayong hindi pa lubusang naipatutupad ng Land Transportation Office (LTO). Nagsimula ang drug testing noong November 5 subalit marami na ang umalma. Isa sa mga umalma si Sen. Aquilino Pimentel na sinabing hindi tama ang gagawing mandatory drug testing. At ang nakapagtataka maski si DOTC Sec. Pantaleon Alvarez at LTO chief Edgardo Abenina ay nagbabalak na amyendahan ang nasabing mandatory drug testing. Hindi na nga dapat ipagtaka kung kaya naging mabagal ang pagsasagawa ng drug testing sapagkat mismong ang mga namumuno ay tutol din pala.

Kung ang mismong mga DOTC Secretary at LTO Chief ay tutol sa drug testing, wala nang pag-asang matuloy pa ito. Patuloy ang pagmamaneho ng mga driver na nagsa-shabu. At iisa ang ibig sabihin nito, patuloy din ang mga malalagim na aksidente sa kalsada. Patuloy ang pagkasayang ng buhay.

Hindi kataka-taka na mabagal umunlad ang bansang ito na ang isang pinagpagurang batas ay hindi naipatutupad dahil marami na agad ang tumututol. Wala nang nakikita kundi ang kamalian. Bakit hindi muna subukan at kung mapatunayang walang silbi o inutil ay saka tigukin.

Show comments