Sabi ng isang magsasaka: "Ayon po sa Bibliya, Libro ng Genesis, kapitulo uno, bersikulo beinte otso, Humayo kayo at magparami."
Meron din namang sumasalungat, "Nang sinabi iyon ng Diyos, ay dadalawa pa lamang si Adan at si Eba. Saka hindi sinabi kung gaano karami."
Sabi ko naman, "Nakasulat ho sa Libro ni Lukas, si Jose at si Maria ay nagkaroon ng anak si Jesus. Tingnan ninyo, si Jose at si Maria ay isa lang ang anak. Nangangahulugan ito ng family planning."
Akala ko nakaisa na ako hanggang sabihin ng isang magsasaka na si Jose at si Maria ay nagkaroon ng apat pang anak ayon sa Libro ni Marcos, kapitulo sais, bersikulo tres.
Ang pag-aaral ng mga bata ang ipinangkukumbinsi ko para sila mag-family planning. Hindi makapag-aaral kapag maraming anak. Laging natatapos ang usapan na kami ay sang-ayong lahat na kapag kakaunti ang anak ay kaya itong pag-aralin.
Sabi naman ng isa pang magsasaka, "Ayaw ko po ng family planning dahil kung ang amat ina ni Gat Jose Rizal ay nag-birth control wala sana ang bayani sapagkat siya ay pampito sa kanilang pamilya."
Mahirap talagang kumbinsihin. Marami silang dahilan kesyo ang anak daw ay tangi nilang yaman. Binalingan ko si Aling Sepa. "Aling Sepa, ano ang masasabi nyo?"
"Para lamang puno ng mangga," sagot ni Aling Sepa. "Kapag ang sanga ay nakitang maraming bulaklak, dapat tanggalin ang iba nito. Kasi kapag hinayaan ang bulaklak at lumaki ang bunga, magiging maliliit ang mangga. Pero pag-ilan lang, malalaki at malulusog ang mangga. Hindi rin mababali ang sanga."
"Parang tao," susog ko, "pag hindi makayang pasanin ay mababali ang likod ng buong pamilya."
Ito ang pagtuturo ng family planning ayon sa paraang agrikultura.