Ilan pang Nida Blanca ang susunod?

Nagulantang na naman ang mga Pinoy noong Miyerkules ng umaga nang mabalitaang pinatay si Nida Blanca. Natagpuan ang premyadong aktres na may 13 saksak sa katawan sa loob ng kanyang sasakyan na nakaparada sa sixth floor ng Atlanta Centre sa Greenhills.

Halos iisa ang sinasabi ng mga kasamahan at lahat ng mga nakakakilala kay Nida Blanca. Napakabait niyang tao at walang maaaring maging kaaway. Namutawi ang mga katagang ito hindi lamang mula sa ina ni Nida na si Inocencia Acueza at sa asawa ng aktres na si Rod Lauren, kundi sa mga napakaraming nakasama na ni Nida na katulad ni Nestor de Villa at Dolphy.

Pati si dating President Joseph Estrada na kasabayan ni Nida sa pag-aartista ay nalungkot at nadismaya sa lumalalang kriminalidad sa ating bansa. Sinabi niyang ‘‘It seems to be that nobody is safe here anymore.’’ Ang lugar kung saan pinatay si Nida ay sakop ng San Juan kung saan si Estrada naging mayor at ang kasalukuyang mayor ay ang kanyang anak na si JV Ejercito.

Maaaring hindi nadulas sa kanyang pagsasalita si Estrada sapagkat hindi naman siguro San Juan lamang ang pinatutungkulan niya, ngunit totoo sa palagay ko na inihahayag lamang niya ang nangyayaring kaguluhan sa ating bansa. Hindi na nga naman maitatago na marami pa rin ang dapat gawin ng pamahalaan upang masupil o mabawasan man lamang ang paglaganap ng iba’t ibang uri ng kriminalidad.

Hindi lamang ang pagbibigay solusyon sa pagpatay kay Nida Blanca ang inaasahan ng mamamayan. Isa lamang ito sa mga napakaraming dapat na gampanan ng iba’t ibang ahensiya ng ating batas. Nagmimistulang wala nang katapusan ang mga nagaganap na krimen at paglabag sa batas dito sa ating bansa. Takot na takot na ang mamamayan. Ilan pang Nida Blanca ang susunod?

Show comments