Bagaman hindi pa rin kumpirmado kung saan nanggaling ang bacteria at ang dahilan ng pagpapakalat nito, isang bagay ang tiyak ang panganib na dala nito sa publiko. Ang pagkalat ng bacteria ay peligro sa lahat. Walang pinipili. Ito ang panibagong uri ng terorismo, ang bioterrorism na gumagamit ng mikrobiyo at kemikal upang makapaminsala. Ang kaalaman sa agham at siyensiya ay ginagamit sa maling paraan at kapahamakan. Maging ang mga serbisyo publiko ay apektado sa malawakang epekto ng pagkalat ng anthrax bacteria.
Napakalaki ng pananagutan ng mga taong nasa likod ng mga ganitong uri ng gawaing terorismo. Ang pagsasawalang-bahala sa kapahamakang dala ng bacteria ay manipestasyon ng kawalan ng takot sa Diyos. Indikasyon din ito ng nakababahalang paggamit ng talino at kaalaman sa maling paraan. Ang pag-iingat ang pinakamainam na magagawa ng bawat isa laban sa hindi nakikitang kalaban. Bagamat may gamot na panlaban sa anthrax infection dapat pa ring maging alerto ang lahat.