Mag-Scout tayo

Scouting Month ngayong Oktubre. Nang simulan ang selebrasyon sa Quezon City, hinikayat ni Mayor Sonny Belmonte ang kabataan na mag-Boy o Girl Scout.

Naalala ko tuloy nang ganito pa ako kaliit. Sumali ako sa Cub Scout sa iskuwela. Grade II pa lang ako, short pants na asul ang suot, dalawang daliri lang ang pang-saludo. Pero dalawang camping na ang sinamahan: Sa Forest Hills, Novaliches (out of town na ’yon noon), at sa Baguio (out of town talaga ’yon). Umiyak pa nga ako nu’ng unang gabi, kasi na-miss ko si Mommy. Pero enjoy din ako dahil sumakay kami ng pony, nagsaing ng sariilng kanin, at nag-hiking sa burol.

Nu’ng Grade IV, sumali na ako sa Boy Scout. Long pants na brown na ang uniform, tatlong daliri na ang saludo. Mas maraming camping na ang dinaluhan: Sa Mt. Makiling, Laguna; Balanga, Bataan; Taal, Batangas. Bundok na ang hina-hike; gabundok na rin kung magluto’t kumain. Mas malaking kabayo na ang sinasakyan. Hindi na rin umiiyak sa gabi.

Para sa akin, laro lang ang Scouting. Pero ngayong malaki na ako, nabatid ko ang kahalagahan ng pagsali ko roon. Habang naglalaro pala, natututo rin ng mabuting aral: pagpapakatatag sa sarili at pakikitungo sa kapwa, respeto sa matanda at ehemplo sa bata, katapatan at kasipagan, kalusugan at kalinisan. Mga katangian itong babaunin paglaki. Ika nga ni Mayor Belmonte, itong natututunan sa Scouting ay huhubog sa atin para maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng Republika at nilalang ng Diyos. ‘‘Ang mga bata sa lungsod na mahina ang moralidad at marupok ang pundasyon ay nalululong sa droga at iba pang bisyo,’’ ani Belmonte.

’Yung anak ko, hinikayat kong mag-Scout. Minsan, nag-camping kami sa school grounds nila. Bawat tent, magulang at anak. Pero nagbuo ng parents-children teams batay sa grades ng mga bata. Nagdaos ng palaro: palo-sebo, marathon, 100-meter relay, tug-o-war. Nu’ng gabi, pagalingan kumanta, palakasan ng dighay, pahabaan ng sipol. Pero sa likod ng laro, isinalin ng mga magulang sa mga bata ang natutunang mabubuting asal sa Scouting.

Show comments