^

PSN Opinyon

EDITORYAL: Hindi na sana madismaya

-
Marami ang nadismaya sa ginawang imbestigasyon ng Senado kay Sen. Panfilo Lacson na natapos subalit walang nangyari. May dalawang buwan ding dinaos ang hearing at mainit ang balitaktakan subalit sa katapusan pala’y wala rin. Ngayo’y nawala nang parang bula ang isyu sa money laundering, drug trafficking, summary executions at mga bank robberies na iniakusa kay Lacson. Habang isinasagawa ang hearing, nakanganga ang taumbayan habang pinanonood ito sa telebisyon sa pag-asang ang mga pinasabog na matitinding akusasyon ay mapatotohanan. Naging hilaw ang lahat at walang maipakitang ebidensiya na magpapatunay sa mga akusasyon kay Lacson. Ngayo’y wala na ring marinig kay Intelligence chief Victor Corpus na unang nagpasabog ng mga akusasyon na naging daan para mag-imbestiga ang Senado.

Pumasok sa patibong ang Senado at agad kumalkal na wala namang matibay na pinanghahawakan ang mga nag-aakusa. Puro laway ang tumapon sa suwelo ng Senado. Nasayang tuloy ang mga oras na sana’y naiukol sa mga mahahalagang gawain para sa taumbayan. Wala pang naipapasang batas ang mga senador.

Ngayo’y ang imbestigasyon naman kay First Gentleman Mike Arroyo ang pinagtutuunan ng pansin ng Senado. Isa na naman bang patibong ang papasukang ito na wala ring kahahantungan sa dakong huli. Isa na namang pagsasayang ng oras sapagkat walang lalabas na katotohanan.

Sinimulan kahapon ng Senado ang imbestigasyon sa First Gentleman kaugnay sa pagkakasangkot nito sa P50-milyong bribery case para mabigyan ng prangkisa ang dalawang telecommunications company. Una nang nilinis ang pangalan ng First Gentleman sa kasong ito na ibinulgar naman ni dating correspondence secretary Bing Rodrigo.

Sa isang linggo ay haharapin naman ng First Gentleman ang akusasyon sa umano’y misuse ng P250-milyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Pinasabog ito ni Sen. Panfilo Lacson sa kanyang talumpati at ibinunyag ang "Department of Underground" na pinamumunuan ng First Gentleman Mike Arroyo. Ginamit umano ang pondo sa kandidatura ng apat na senatorial candidates. Ang anomalya ay ibinulgar ni Robert Rivero, dating PSCO consultant.

May aral na ang senado sa ginawang imbestigasyon kay Lacson na walang nangyari dahil walang maipakitang ebidensiya ang mga nag-aakusa. Ngayo’y pinangangambahang ganito rin ang mangyayari. Magsasayang na naman ng oras ang mga senador at walang makikitang katotohanan ang taumbayan.

BING RODRIGO

DEPARTMENT OF UNDERGROUND

FIRST GENTLEMAN

FIRST GENTLEMAN MIKE ARROYO

ISA

LACSON

NGAYO

PANFILO LACSON

SENADO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with