Malayung-malayo na ang Senado ngayon kaysa sa Senado noong panahon nina Manuel Quezon, Manuel Roxas, Sergio Osmeña, Sr., Claro M. Recto, Jose P. Laurel, Sr., Salipada Pendatun, Lorenzo Sumulong, Soc Rodrigo, Lorenzo Tañada, Emmanuel Pelaez, Manuel Manahan, Raul Manglapus at Benigno Aquino.
May kalidad noon sapagkat talaga namang magagaling ang mga ulo, may puso, prinsipyo at interes ng bayan ang iniintindi. Nanalo sila sapagkat pinili ng taumbayan at hindi dahil binili ang boto.
Tingnan nyo ang mga senador natin ngayon. Maraming tao ang aking napagtanungan. Halos iisa ang naging resulta. Kokonti ang maaaring matawag na honorable member ng Senado. Mas marami ang dishonorable.
Nakikita ko ring naging sangay na ng pulisya ang Senado sapagkat sa halip na asikasuhin ang paggawa ng batas, ang pinagkakaabalahan ay ang pag-iimbestiga ng kung anu-ano at walang kakuwenta-kuwentang mga kaso. Dapat nga siguro ay buwagin na ang Senado.