Tinanggal na babaing sekyu

Si Corina ay isa sa mga babaing security guard ng isang ahensiya na nakadestino sa isang kliyente. Nang nagpatawag ng meeting ng mga security guards ang security agency upang pag-usapan ang dagdag sa suweldo ayon sa bagong batas, nagkasagutan sina Corina at ang namumuno ng meeting. Binatikos ni Corina ang ahensiya at ang katapatan nito sa pagdadagdag ng suweldo, hanggang sinabi pa niya: "E kung lalaki lang ako baka kung ano pa ang nagawa ko sa inyo ngayon."

Dahil dito, sinuspinde si Corina ng 15 araw. Nang ireklamo ni Corina ang suspensiyon niya sa National Labor Relations Commission (NLRC), bumawi ang ahensiya at nilipat siya ng destino. Pinare-report muna siya sa himpilan pagkaraan ng 15 araw na suspensyon. Hindi nagreport si Corina hanggang sa tinanggal na siya sa trabaho dahil sa pag-iwas sa tungkulin.

Kaya binago ni Corina ang reklamo niya sa NLRC at ginawa itong illegal dismissal. Pagkaraan ng paglilitis, nanalo si Corina. Inatasan ang ahensiya na ibalik siya sa trabaho at bayaran ang mga suweldo niyang hindi na natanggap dahil sa illegal na pagtanggal.

Dahil sa apelasyon ng ahensiya, tumagal ang pagpapatupad ng desisyon na ibalik si Corina sa trabaho at bayaran ang kanyang suweldo. Kaya napilitan si Corina na magtrabaho sa ibang kompanya. Nang matapos na ang kaso at ipatutupad na ito, umabot na sa P105,296 ang backwages na dapat bayaran ng kompanya. Sinalungat ng kompanya ang pagpapatupad nito. Ayon sa kompanya hindi na raw maaring ipatupad ang desisyon na pinagbabayad sila ng P105,296 dahil nabago na ang kalagayan ni Corina sa pagtatrabaho niya sa ibang kompanya. Hindi na raw makatarungang ipatupad pa ang desisyon at pagbayarin sila ng suweldo ni Corina sapagkat sumusuweldo na siya sa ibang kompanya. Tama ba ang security agency?

Mali.
Ang pag-empleyo ni Corina sa ibang kompanya habang hindi pa nagiging pinal ang desisyon pabor sa kanya at hindi pa ito mapatupad ay hindi maituturing na katwiran upang hindi siya bayaran ng backwages. Ang backwages na dapat ibayad sa empleyadong tinanggal ng illegal ay hindi maaring bawasan ng halaga ng kanyang kinikita sa ibang kompanya. Ang pagbabagong ito sa kalagayan ni Corina habang hindi naipatutupad ang desisyon ay hindi maituturing na sapat na katwiran upang hindi ipatupad ang nasabing desisyon. (Torres vs. NLRC et. al. G.R. No. 107014 April 12, 2000).

Show comments