Ang kagalakan ng Diyos sa pagbabalik ng isang maka

Ang Diyos ay palaging masaya. Kaya lang sinasabi ni Jesus sa Ebanghelyo na mga panahong ang Diyos ay mas masaya. Ito ay kapag ang isang makasalanan ay tumalikod sa kanyang mga kasalanan at nagbalik-loob sa Diyos.

Si San Lukas ay may mga ilang talinghaga sa kabanata 15 ng kanyang Ebanghelyo. Ang unang dalawa ay tungkol sa nawawalang tupa at nawawalang salaping pilak. At ang pangatlo ay ang Alibughang Anak. Ngayong Linggo ibinibigay sa atin ang unang dalawang talinghaga.

Ang mga publikano at mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Jesus, Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga Eskriba. Ang sabi nila, ‘‘Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.’’ Kaya sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito:

‘‘Kung sinuman sa inyo ay may 100 tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan na’y masaya niyang papasanin ito. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay. ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala! Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.’’

‘‘O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Sisindihan niya ang ilaw, wawalisan ang bahay at hahanaping mabuti hanggang sa masumpungan ito, hindi ba? Kapag nasumpungan ito ay aanyayahan niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang nawala kong salaping pilak! Sinasabi ko sa inyo, gayon din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan.


Magbigay muna tayo ng mga ilang obserbasyon. Sa mga ibang relihiyon kagaya ng Buddhism, Hinduism, at iba pang uri ng relihiyon, ang tao ay naghahanap sa Diyos. Sila ay nag-aayuno, nagdarasal, at iba pa.

Ngunit sa Kristiyanismo, ang Diyos ang tumitingin, naghahanap sa tao. Tayong lahat ay makasalanan. Ang Diyos ang naghahanap sa atin hanggang sa tayo’y kanyang masumpungan. Sa talinghagang ating nabasa. Sinasabi sa atin ang tungkol sa paghahanap sa atin: ang paghahanap sa nawawalang tupa at ang nawawalang salaping pilak.

Maaari nating balikan na minsan sa ating buhay na pinahintulutan natin ang ating sarili na magkasala at tumalikod sa Diyos. Subalit si Jesus at sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay ginawa ang lahat upang mapalambot ang ating matigas na puso. Hinarap natin ang Diyos na may luha sa ating mga puso. Nadama natin ang kagalakan at kapayapaan. Ngunit huwag nating kakalimutan ang Diyos na ating Ama ay mas lalong nagagalak kapag nakikita niya ang kanyang mga anak na binubuksan ang ating mga bisig sa pagtanggap sa yakap ng Diyos.

Show comments