^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Wala pang natatrabaho ang Senado

-
Magdadalawang buwan na mula nang magbukas ang 12th Congress noong July 23. Mahabang panahon na kung tutuusin at dapat ay marami nang nagawang batas ang Senado para sa kagalingan ng bansa at ng taumbayan. Subalit masakit sabihing "itlog" pa rin hanggang sa kasalukuyan ang Senado. Marami silang nasayang na oras na dapat sana’y ginamit sa mga makabuluhang bagay. Maaaring may katotohanan ang kasabihang kapag nasimulan ng masama e masama na hanggang wakas. Ang unang linggo sa Senado ay kanilang ginugol sa walang kakuwenta-kuwentang pagtatalo sa committee chairmanship. Sumunod ay ang pagpi-filibuster ni Sen. Sergio Osmeña III na marami ring nasayang na oras at salapi.

Kasunod ng pagtatalo sa chairmanship, ang pagtatalo naman kung iimbestigahan nila ang kapwa senador na inakusahan ng drug trafficking, kidnapping, bank robberies at salvaging. Sa wakas, nagpasya ang Senado na imbestigahan si Sen. Panfilo Lacson at nagpatuloy ang mga pagtatanong sa mga lumutang na witness na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nakikitang linaw kung hanggang saan ba talaga aabot.

Habang nagsasagawa ng hearing sa mga akusasyon kay Lacson, isinabay naman ang pag-iimbestiga sa mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na umano’y nakipagsabwatan sa mga bandidong Abu Sayyaf kapalit ng pera. Ang pagbubulgar ay ginawa ni Fr. Cirilo Nacorda. Wala pa ring linaw kung hanggang saan aabot ang imbestigasyon ng Senado sa bagay na ito.

Magdadalawang buwan na nga subalit "itlog" pa rin ang Senado sa paggawa ng batas. Walang naipakita para sa ikauunlad ng bansa at ikaaangat ng buhay ng mga naghalal sa kanila. Noong Biyernes, nagsimula na ang dalawang linggong break ng mga senador. Pahinga ba ito sa may dalawang buwang walang nagawa? Ang may dalawang buwan nila ay para bang pagpapapogi lamang samantalang ang iba’y nagga-grandstanding lamang.

Maraming mahahalagang bagay na dapat unahin ang mga senador. Oo nga’t mahalaga ang tungkol sa narco-politics, money laundering at kidnapping subalit may iba rin namang bagay na dapat pagbalingan ng atensiyon. Marami ang naghihirap, walang trabaho, walang matirahan at kung anu-ano pa. Dapat magtrabaho ang mga senador at kung maaari’y iwasang maipit sa nag-uumpugang bato ng politika. Paglilingkod ang hinahanap ng taumbayang naghalal sa kanila at wala nang iba pa.

ABU SAYYAF

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

CIRILO NACORDA

MAGDADALAWANG

MARAMI

NOONG BIYERNES

PANFILO LACSON

SENADO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with