"Nagkaroon ba kayo ng panaginip o boses na narinig na nag-atas sa inyo upang manggamot Ka Berong?"
"Walang panaginip o boses, Doktor," sagot ni Ka Berong. "Ang tatay ko ay isang albularyo. Pinanonood ko siya habang nanggagamot kaya unti-unti akong natuto. Nang mamatay siya, ako ang naging kapalit."
"Pero paano dumami ang mga ginagamot ninyo?" tanong ko pa.
"Noong una ay mga anak ko at mga kapitbahay lang ang aking pasyente. Siguro nagkabalitaan kaya unti-unti silang dumami. Ngayon, pati mga taga-bayan at karatig probinsiya ay dumarayo na rito."
"Huwag kayong magagalit, pero tumatanggap ba kayo ng bayad sa inyong panggagamot," tanong kong mababa ang boses para walang makarinig. Para namang alam na ni Ka Berong ang aking itatanong tungkol sa bayaran.
"Kung pera ang pinag-uusapan, hindi ako tumatanggap sa mulat mula pa kahit isang kusing."
"Nawawala ho ba ang bisa ng inyong panggagamot kung tatanggap kayo ng pera?"
"Hindi, Doktor. Isa pay gusto kong sabihin sa inyo ang isang sikreto. Gumawa ako ng panata sa Diyos noong ako ay nagsisimulang manggamot. Kung tutulungan Niya akong magpagaling sa mga maysakit, ipinangako kong hinding-hindi tatanggap ng kabayaran sa aking gagamutin."