EDITORYAL - Mababang quality education

Marami nang pagbabagong isinagawa si Department of Education Sec. Raul Roco. Lahat ay para sa kabutihan at kaayusan ng mga guro sa pampublikong paaralan. Inalis niya ang mga guro sa kuko ng mga loan sharks at ginawang madali ang pagsahod sa pamamagitan ng automated teller machines. Naiwasan na ang pagtitinda ng mga tocino at longganisa at iba pang pagkakakitaan. Marami pang balak si Roco sa mga guro sa hinaharap at positibo ang kanyang isipan na magagawa niya ang tungkulin sa mga guro na kakaiba sa mga hinalinhan niyang Secretaries. Pinagtutuunan din ni Roco ang pagbasag sa mga corrupt sa department.

Pero may isang dapat pagtuunan ng pansin si Roco ngayon. Gawin niyang prayoridad ang pag-aangat sa quality ng edukasyon ng mga kabataang Pilipino.

Nakadidismayang malaman na napag-iiwanan ang Pilipinas kung ang pag-uusapan ay ang quality ng edukasyon. Sa pinaka-latest survey na ginawa ng Political and Economic Risk Consultancy (PERC), lumalabas na ika-siyam ang Pilipinas sa may pinakamahinang quality ng edukasyon sa Asia. Ang survey ay ginawa sa 12 bansa sa Asia.

Nangunguna sa mga may pinakamahusay na quality ng edukasyon ang South Korea, Singapore at Japan. Sinundan ng Taiwan, India, China, Malaysia at Hong Kong. Sumunod sa Pilipinas ang Thailand, Vietnam at Indonesia.

Maraming dahilan kung bakit nagiging kulelat ang Pilipinas sa larangan ng edukasyon. Isa sa maituturong dahilan dito ay ang kawalan ng mga sapat na gamit sa mga eskuwelahan. Sa kabila na malaki ang budget ng pamahalaan sa Department of Education, lagi nang problema ang kakulangan ng mga schools, upuan, libro, at marami pang iba. Dahilan din ang kawalang-kasanayan ng mga guro sa pagtuturo. Ano ang aasahan sa mga guro na hindi kuwalipikado? Kulang na kulang na ang mga gurong mahuhusay. Sa kasalukuyan, marami pa ring mga guro ang nagnanais na magtungo sa Hong Kong o Italy para maging domestic helpers.

Malaking epekto rin sa mga estudyante ang air pollution na ayon sa report ay nakapagpapababa sa IQ. Dahil sa kahirapan ng buhay, may mga batang mag-aaral na pumapasok na walang laman ang tiyan. Bagamat marami ang kasangkot sa problemang ito, ang papel pa rin ng Department of Education ang nakikita naming kailangan at wala nang iba.

Nakaatang sa balikat ni Secretary Roco ang pagpapaunlad sa edukasyon at naniniwala kami na magkakaroon pa siya ng matitibay na plano upang pangunahan ng Pilipinas ang pagkakaroon ng mataas na antas ng edukasyon. Hindi pangsiyam lamang.

Show comments