Siyempre, kailangang alamin din ang katotohanan sa loob ng pananalita ni Rosebud. Marahil ay may nakaraang masamang record si Rosebud, pero ang nakaraang ito ay hindi ibig sabihin na hindi totoo ang kanyang mga pahayag. Kung ang testimonyang ito ay palalakasin ng testimonya ng ibang tao na tulad ng mga ebidensiyang ibinigay ni Corpus, may kredibilidad ito.
Dapat daw ay sinabi ng pulis sa Customs na may drogang papasok sa bansa. Ito ang palusot ng Customs. Sa lahat ng pagdadahilan, ito na yata ang pinakapalpak na narinig ko. Ituturo ng Customs ang iba para lamang matakpan ang kanilang kapalpakan. Dapat usigin ngayon ang kredibilidad ng mga Customs officers na nagpapahayag ng ganito.
Dapat ay walang kompromiso sa laban sa pagpapabagsak sa mga drug lords at illegal drugs. Ang kapalit ng korupsiyong ito sa pamahalaan ay ang kinabukasan ng kabataan at ng buong bansa. Sa lala ng krimeng related sa droga, kailangang masugpo na ang sindikatong ito. Ang solusyon ay kailangang manggaling din sa pamahalaan na siyang may organisasyon at lakas upang labanan ito. Magkaisa na ang mga mabubuti at linisin na ang mga hanay. Sindikato ng mga lumalaban sa droga ang kailangan, at gobyerno rin ang kailangang mamuno rito.