May puna na mahahaba raw masyado ang mga katagang Pilipino, kaysa Ingles. Halimbawa ang salitang hen o nanay ng sisiw. Sa Filipino, inahen. Ina na, hen pa, tuya sila. Sayang daw ang oras, hininga at laway sa pagbigkas. Sagot ko naman, e ano kung mahaba? May salitang Filipino naman na wala sa Ingles. Halimbawa, alak-alakan. O di ba, walang salin yan sa English dictionary? Ang pinakamalapit na translation. Back of the knee. E di mas mahaba, mas maraming sayang na tintat papel.
At miski mas mahaba ang Filipino, mas onomatopoetic (ngek, wala yata niyan sa Pinoy) naman kaya Ingles. Ibig sabihin, mas kumikiliti sa imahinasyon habang binibigkas o binabasa. Halimbawa ang pagkahaba-habang naka-tiwangwang. Ipang-uri mo ang salita sa isang magandang dalaga, at tatakbo sa isip mo na hinihintay ka niyang hindi na bale, bastos e. At yung baku-baku at ukab-ukab, hindi matatalo ng Ingles. Yung una ibig sabihin maraming humps; yung ikalawa, maraming ruts. Pero mas malinaw ang imahe sa utak nung Filipino, di ba?
Filipino ang Wikang Pambansa. Halaw ito saTagalog at iba pang mga wika sa Pilipinas, tulad ng Ilokano, Pangasinan, Zambal, Bikolano, Ilonggo, Waray, Bisaya, Maguindanao, Maranao, Tausug, Samal, Kiniray-a, Cuyunin mahigit 70 lahat at humiram din sa English at Español. Ito rin ang lingua franca, pinakalaganap na wika, sa Kamaynilaan. Ang tawag ng iba, Taglish, dahil karamihan ng salita ay halaw o hiram saTagalog at English. Pero may mga salitang Ilokano sa wikang Filipino, tulad ng nakirmet (kuripot); o Pangasinan at Bisaya rin, tulad ng kuno (kunwari); o Kapampangan, tulad ng sisig (pulutang pisngi ng baboy).
Masigla ang Filipino. Galing kasi sa ibat ibang salita ng mga Pinoy na buhat naman sa ibat ibang tribu at dugo. Parang daddy ko na tubong Pampanga at mommy ko na laking Español sa Cavite. Ako naman, Manila-boy. Kaya halo-halo ang salita ko. Sabi ko nga, ven aqui todits saguli (halika dito sandali). O di ba, mas kuwela pa ang Filipino?