^

PSN Opinyon

Makipot na pintuan

ALAY-DANGAL - Jose C. Blanco S.J. -
Sa ating Katesismo, tinatanong tayo: Bakit tayo nilikha ng Diyos? At ang sagot ay: Nilikha tayo ng Diyos upang mahalin at paglingkuran siya at maging maligayang kapiling niya magpakailanman sa langit. Kinakailangan na maging malinaw para sa atin ang intensiyon ng Diyos para sa bawat isa sa atin.

Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ibinibigay ni Jesus sa atin ang talinghaga ng makipot na pintuan. Pakinggang mabuti si Jesus. Subukan nating unawain kung bakit siya’y nangusap hinggil sa saradong pintuan sa halip na sa malawak at bukas na pintuan (Lk. 13:22-30).

‘‘Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay. Siya’y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan patungong Jerusalem. May isang nagtanong sa kanya: ‘Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas? Sinabi niya, ‘Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.

‘‘Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘‘Panginoon papasukin po ninyo kami.’’ Sasagutin niya kayo, ‘‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! At sasabihin ninyo, ‘‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.’’ Sasabihin naman ng Panginoon, ‘‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!’’ Tatangis kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, at kayo nama’y ipinagtabuyan sa labas! At darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.’’


Simula’t simula pa, ibinigay sa atin ni Jesus ang ganitong payo: ‘‘Pagsumikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.’’ Sinabi rin niya na ang mga nagsisigawa ng masama ay hindi papayagang makapasok sa pintuan. Ang paggawa ng masama, ang magkasala, ang pagiging maramot ang mabisang nagsasara ng pintuan sa gumagawa ng masama.

Makatutulong kung ating pakikinggan ang komento ni San Agustin: Nilikha tayo ng Diyos na wala tayo o di niya tayo kasama. Ngunit hindi niya tayo maaaring iligtas nang wala tayo o di niya tayo kasama. Nang likhain tayo ng Diyos, hindi niya tayo tinanong kung nais ba nating malikha. Simple lang na niloob niyang malikha tayo. Subalit hindi tayo maaaring iligtas ng Diyos na labag sa ating kalooban. Samakatuwid, kailangang naisin natin na matubos.

Para sa paglulubag ng ating kalooban at para sa ating pag-asa, mayroong sinabi si San Pablo sa kanyang sulat kay Timoteo: ‘‘Nais ng Diyos na ang lahat ng tao ay maligtas.’’ (1 Tim. 2:4). Nais ng Diyos na kayo’y maligtas. Binuksan niya ang pintuan. Dapat ninyong naisin na makapasok sa naturang pintuan.

DIYOS

KAYO

NILIKHA

NIYA

PANGINOON

PINTUAN

SA EBANGHELYO

SAN AGUSTIN

TAYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with