"Napansin nyo ba Doktor, na mayroon akong kamatis kahit wala sa panahon?" tanong ni Mang Senting.
"Ito ba iyong bagong kamatis mula sa Los Baños na makapal ang balat at hindi nabubulok kahit tag-ulan?"
"Opo. Biro nyo natalo pa ang inani kong palay sa isang ektaryang bukid. Napakalaking tulong ang karagdagang kita ko sa kamatis."
"Paano nyo ba sinimulan ang pagtatanim ng kamatis?"
"Sa totoo lang, ayaw ko sanang magtanim ng bagong kamatis. Wala pa akong karanasan dito sa nayon. Alam ko na madaling mabulok ang kamatis kapag tag-ulan. Baka ako malugi."
"Paano ka nakumbinsing magtanim? Siguro pinakiusapan kang mabuti ng agrikultor sa bayan."
"Ganoon na nga. Ipinaliwanag niya ang mga bentahe na hindi nabubulok. Saka ibinigay lang niya ang mga binhi ng kamatis. Hindi man nagtagumpay walang mawawala maliban sa aking pawis."
"Pinagbigyan mo lang sa umpisa pero napansin ko na itinuloy mo na."
"Sa umpisa ay pakikisama lang talaga Doktor. Ngunit sa sumunod na taon, ibang istorya na. Nakita ko na totoong matibay ang balat ng kamatis sa tag-ulan. At malaki ang kinita ko. Kahit na awasin ang halaga ng binhi, pataba at pangpatay sa kulisap ay malaki pa rin ang kita. Pakikisama ang umpisa ng pagtatanim ko ng kamatis. Pero ngayoy pera na ang nagtulak sa akin na ituluy-tuloy na ang pagtatanim ng kamatis."