Hindi biro ang ulat ni Corpus lalo na at tumulong diumano ang US Customs Service sa pagkalap ng impormasyon. Bago pa man lumabas ito, nauna nang itinanggi ni Lacson ilang buwan na ang nakararaan na mayroon siyang itinatagong dollar account. Hinamon pa nga niya noon si DOJ Secretary Hernando Perez na patunayan ito.
Lumabas ang ulat ni Corpus pagkatapos mag-file ng isang resolusyon si Sen. Ramon Revilla na nanawagan sa pag-imbestiga ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa diumanoy partisipasyon ni Lacson sa money laundering at kidnapping.
Si Lacson, sa kanyang pagkakaluklok sa puwesto, ay pinagkatiwalaan ng marami sa ating mga kababayan. Kung gaano kalaki ang tiwalang ibinigay sa kanya, ganoon din kalaki ang kanyang pananagutan bilang mataas na opisyal sa bansa. Sa napipintong pag-imbestiga sa kanya ng Senado, inaasahang malalaman ang punot dulo nito. Sana ay lumabas ang katotohanan at kailangang managot kung mapatunayang nagkasala.