Lalo sigurong papayat si GMA sa mga darating na araw lalo na ngayon na may akusasyon laban kay First Gentleman Mike Arroyo. Mas naging grabe ang akusasyon sapagkat ang nagpaparatang ay ang kababata at kaklase ni GMA na si Bing Rodrigo, na dating correspondence secretary.
Matindi ang akusasyon ni Bing kay Mike. Diumano, tumanggap daw ito ng P50 milyon sa isang grupo na nagnanais na makakuha ng isang communications franchise na hindi inaprubahan ni GMA.
Ang akusasyong ito ay hindi dapat ipagwalang bahala at kinakailangang maresolba sa lalong madaling panahon. Hindi dapat magkaroon ng alinlangan ang taumbayan sapagkat dito nakasalalay ang reputasyon ni GMA. Kung mapatunayan na tumanggap ng suhol si Mike, maaaring lumubog ang bangkang papel ni GMA.