Kasalang walang lisensiya

Ikinasal sina Carlos at Priscilla noong November 15, 1973. Makalipas ang 10 taon at magkaroon ng dalawang anak, iniwan ni Carlos ang pamilya. Namuhay ng hiwalay ang mag-asawa at napunta kay Priscilla ang dalawang bata. Pagkaraan, lumipat ang anak na lalaki kay Carlos.

Ang paghihiwalay nila’y nauwi sa demandahan. Sinampang una ni Priscilla ang petisyon upang buwagin ang kabuhayan at ari-arian nilang mag-asawa. Ginawad naman ito ng Korte. Matapos idinemanda niya si Carlos ng parricide nang umano’y sinakal siya nito habang binibisita ang kanilang anak. Napatunayang nagkasala lang si Carlos ng slight physical injuries at nakulong ng 20 araw.

Muling nag-sampa si Priscilla ng petisyon para sa legal separation dahil sa pangangaliwa at pananakit ni Carlos. Ginawad din ito ng hukuman.

Hindi na nasiyahan si Priscilla. Muli itong nagsampa ng kaso upang ideklara na walang bisa sa simula pa ang kanilang kasal dahil psychologically incapacitated daw si Carlos. Sa paglilitis ng petisyong ito, ipinakita ni Priscilla ang kawalang kakayahan ni Carlos na maging asawa at tatay. Isinumite rin niya bilang ebidensiya na dokumento ng kanilang kasalan at ang lisensiya ng kanilang kasal. Makikita sa nasabing dokumento na sila’y kinasal noong Nobyembre 15, 1973 samantalang ang lisensiya nila’y inilabas lang noong Setyembre 17, 1974.

Hindi iginawad ng mababang hukuman ang petisyon ni Priscilla na ideklarang walang bisa ang kanilang kasal dahil sa psychological incapacity ni Carlos. Wala raw katibayan ayon sa Korte, na totoong psychologically incapacitated si Carlos.

Umapila si Priscilla. Sa kauna-unahang pagkakataon, sinabi niya na lubhang walang bisa ang kanilang kasal dahil noong maganap ang seremonya, wala pa silang lisensiya. Maaari pa bang magawa ito ni Priscilla?

Maaari.
Bagama’t ang isang partido sa kaso ay hindi maaaring maglabas ng paksang pagtatalunan sa kauna-unahang pagkakataon noong naka-apela na ang kaso, ang regulasyong ito’y maaaring isantabi kung ito’y para sa proteksiyon ng karapatan ng partido. Sa kasong ito’y malinaw na lumalabas sa ebidensiya na noong ikasal si Priscilla kay Carlos noong Nobyembre 15, 1973, wala silang lisensiya sapagkat ang lisensiya ay naibigy lang noong Setyembre 17, 1974. Ang kasal na walang lisensiya ay walang bisa sa simula‘t simula gaya nga ng kasal nina Carlos at Priscilla. Walang bisa ito hindi dahil sa psychological incapacity ni Carlos kundi wala silang lisensiya. (Sy vs. Court of Appeals et. al. G.R. No. 127263 April 12, 2000).

Show comments