Bagamat may mga OFWs na natulungan ng gobyerno, nakalalamang pa rin ang mga hindi nabibigyan ng atensiyon. Marami ang minalas na maparusahan na hindi na nabigyan ng tamang hustisya. Ang mga nabigyan ng atensiyon ay iyong mga natutukan lamang ng media. Gaya ng mga kaso nina Sarah Balabagan, Violeta Miranda at John Aquino. Ang mga nabanggit ay pupugutan na sana ng mga ulo kundi napaputok ng media. Saka lamang kumilos ang gobyerno. Isang pagkakamali ng gobyerno ay ang kaso ni Flor Contemplacion na binitay sa Singapore noong 1996.
Hindi natitinag ang ilang embahada ng Pilipinas sa mga bansang kinaroroonan ng mga Pinoy at walang pakialam kung may pupugutan ng ulo, bibitayin, o ipa-firing squad. May pagkakataon pang sa mismong embahada nagaganap ang pang-aabuso o pagmamaltrato sa mga tumatakas ng Pilipina domestic helper.
Kamakalawa’y isang Pilipina ang pinugutan ng ulo sa Jeddah, Saudi Arabia. Ang pinugutan ay si Edan Tejano, 28. Ayon sa report, napatay ni Tejano ang amo nitong Arabo makaraang pagtangkaang gahasain. Makaraang mapatay ang amo, nagtungo si Tejano sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Subalit natunton siya rito ng mga Saudi police at hinuli. Ayon sa mga Saudi police, pinatay ni Tejano ang amo makaraang nakawan ito ng mga alahas. Nakuha umano ang mga alahas sa isang nagngangalang Aireen Mazo. Ipinagbili umano ni Tejano kay Mazo ang mga alahas. Hinuli rin si Mazo at pinutulan naman ng kamay.
Ang pagpugot kay Tejano ay nataon sa panahong ipinagdiriwang ang araw ng mga migranteng Pilipino. Pero may halaga pa bang gunitain ang araw ng mga OFWs na salat sa kalinga ng gobyerno? Kailan nga ba magkakaroon ng proteksiyon ang mga OFWs mula sa gobyerno upang hindi maging biktima ng walang katarungang parusa. Bagong bayani ba sila o Bigong bayani?